‘Wakasan ang culture of impunity’

    648
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Wakasan ang culture of impunity sa bansa sa pamamagitan ng matuwid na pamamahala upang katarungan ay makamit ng mga biktima ng pamamaslang at karahasan.

    Ito ang nagkakaisang mensahe ng ibat-ibang samahan ng mga mamamahayag sa bansa at ibayong dagat kasama ang mga militanteng grupo at samahan ng mga abogado kaugnay ng unang anibersaryo ng Maguindanao Massacre noong Martes, Nobyembre 23.

    Kabilang din sa nagbigay ng mensahe laban sa culture of impunity si Frank La Rue, ang United Nations (UN) rapporteur on freedom of expression na dumalo sa isinagawang Journalism Asia Forum 2010 (JAF) sa Manila Hotel.

    Lumahok din si La Rue sa isinagawang demonstrasyon ng mga mamamahayag sa Mendiola kung saan ay nakasama niya sa entablado si Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na naghatid ng mensahe ng pakikiisa ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

    Ngunit ang culture of impunity o kawalan ng napaparusahan sa mga pamamaslang o krimen ay hindi sa bansa lamang namamayagpag, kung hindi maging sa mga bansa sa Timog Silangang Asya, ayon sa mga kasapi ng Southeast Asian Press Alliance. 

    Ayon kay La Rue, ang impunity ay hindi katanggap-tangap sapagkat ito ay isang balakid na magwawasak sa lipunan.

    Iginiit pa niya na ang impunity “is not just an individual case but is fast becoming a state policy of cover up.”

    Para naman sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang impunity o kawalan ng napaparusahan ay bunga ng sistema ng pamamahala na ang nangingibabaw ay pamumulitika.

    Batay sa isang pahinang pahayag ng NUJP: “It was the inevitable and logical consequence of a system of governance that has for so long relied on political expediency, governance that woos the support of political clans by allowing them to amass such wealth and strength as to literally wield the power of life and death over their subjects.”

    “Governance that breeds impunity, the impunity that has made a mockery of our claims to democracy through the murder of 141 journalists since 1986, of more than a thousand activists and the disappearance of 200 more over the last nine years, of more than 40 lawyers and judges over that same period,” giit pa ng NUJP.

    Ang panawagan para wakasan ang culture of impunity ay inayunan din ng mga militanteng grupo tulad ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Gabriela na kapwa nanawagan para sa pagbaklas sa mga civilian volunteer organizations (CVOs) na ginagamit ng mga political warlord.

    Nanawagan din sila na wakasan na rin ang warlordism sa bansa dahil ang sistemang ito ay nagsisilbing gatong sa pag-abuso ng iilang makapangyarihan na ang bunga ay culture of impunity.

    Ngunit sa kabila nito, nanatiling matigas ang Malakanyang at idinepensa na ang mga CVO sa pagsasabi ni Lacierda na hindi nila bubuwagin ang mga ito.

    Ayon pa kay Lacierda, kailangan ng Sandatahang Lakas ang mga CVO dahil kapos ito sa bilang ng sundalo.

    Si Lacierda ay nakapanayam ng Punto noong Martes ng gabi sa Mendiola, ilang sandali bago siya umakyat sa entablado at ipinahayag na nakikiramay si Pangulong Aguino III sa lahat ng biktima ng pamamasalang, at nangako pa na titiyakin nilang matatapos ang kaso sa panahon ng panunungkulan ni Aquino III.

    Ang araw ng paggunita sa 58 biktima ng Maguindanao Massacre na kinabibilangan ng 32 mamamahayag ay tinampukan din ng ibat-ibang pagkilos ng mga mamamahayag sa buong bansa na muling nagpakita ng pagkakabuklod-buklod laban sa mga banta sa malayang pamamahayag.

    Sa Bulacan, nagsagawa ng limang oras na walang tigil na pagsasahimpapawid kung saan ay tinalakay ang kalagayan ng pamamahayag sa bansa sa pamamagitan ng Radyo Bulacan.

    Sa Pampanga ay nagtipon ang may 50 mamamahayag sa harap ng City Hall ng San Fernando at nanawagan para wakasan ang culture ng impunity sa bansa, samantalang sa lungsod ng Cabanatuan ay maagang nagtipon ang mga kasapi ng Nueva Ecija Press Club Inc., (Nepci) bilang pakikidalamhati sa mga biktima ng pamamaslang at panawagan para sa malayang pamamahayag.

    Sa Cebu, nagtipon ang mga mamamahayag at dumalo sa isang safety workshop samantalang sa Maguindanao, pinangunahan ng NUJP ang paggunita sa pamamasalang sa lugar na pinangyarihan ng krimen, kasama ang pamilya ng mga biktima, at may 1,000 pang mamamahayag.

    Sa Maynila, nagsagawa ng isang motorcade sa mga pangunahing lansangan ng lungsod ang National Press Club upang ipabatid ang pagtutol sa namamayagpag na culture of impunity.

    Ang Center for Media Freedom and Responsibility naman ay kasama ang mga kasapi ng Seapa sa pagsasagawa ng Journalism Asia Forum  (JAF) 2010 sa Manila Hotel kung saan ay naging tampok ang pahayag ni Frank La Rue na dapat garantiyahan ng pamahalaan ang malayang pamamahayag at bigyang proteksyon ang mga mamamahayag.

    Matapos ang talakayan sa Manila Hotel, ang mga mga dumalong mamamahayag sa JAF 2010 ay lumahok sa malawakang demonstrasyon ng mga mamamahayag na isinagawa sa Mendiola noong gabing iyon.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here