‘JUAN’ SA BULACAN
    1 nasaktan, 715 inilikas, 1 bahay muntik matupok

    345
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Pinalad na hindi masapul ng super bagyong Juan ang Bulacan ngunit isa katao ang nasaktan, 715 ang inilikas at isang bahay ang muntik ng matupok sa bayan ng Hagonoy.

    Kaugnay nito, kinansela ang klase sa mga paaralang elementarya at sekundarya sa lalawigan noong Martes, Oktubre 19 habang palabas ng bansa ang bagyo dahil ang buntot nito ay naghatid ng malakas na pag-ulan at hangin sa lalawigan.

    Nakapinsala rin ng tinatayang P80-milyong halaga ng pananim ang malakas na hangin at pag-ulan na hatid ng bagyong Juan.

    Batay sa tala ng Provincial Disaster Management Office (PDMO), ang nasaktan ay nakilalang si  Rami Alkandra, 25, isang residente ng barangay Tikay sa Lungsod na ito.

    Ang biktima ay nahagip ng isang lumipad na yero sa barangay Tikay bandang ala-1:30 ng madaling araw noong Martes at isinugod sa Bulacan Medical Center.

    Nagsagawa rin ng preemptive evacuation sa sa lungsod na itong noong Lunes, Oktubre 18 kung saan ay umabot sa 715 katao ang pansamantalang inilikas sa Atlag Elementary School at Malolos Central School.

    Sila ay inilikas upang hindi maapektuhan ng pagtaas ng tubig sanhi ng high tide at pag-ulan, at posibleng epekto ng malakas na hangin sa kanilang mga tahanan na yari sa kahoy.

    Sa bayan ng Hagonoy, himalang hindi tuluyang natupok ang isang bahay na nasunog at hindi rin nadamay ang mga katabing bahay noong Martes ng umaga dahil sa malakas na buhos ng ulan.

    Walang nasaktan sa insidente at hindi pa rin matukoy ang halaga ng nasunog.

    Ang bahay na nasunog ay matatagpuan sa Villa Clara Subdivision, barangay San Sebastian at pag-aari ng isang Susan Castro, dalaga at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang cargo shipping company sa Maynila.

    Nagpasalamat naman sa malakas na buhos ng ulang hatid ng bagyong Juan ang ilang residente ng Villa Clara Subdivision tulad ni Lydia Salazar.

    “Mabuti na lang malakas yung ulan, talagang buhos yung ulan kanina kaya hindi nadamay yung ibang bahay sa tabi,” ani Salazar.

    Ang nasabing insidente ay ikalawa na sa bayang ito matapos ang mahigit dalawang buwan.

    Matatandaan na noong Agosto 18 ay nasunog ang palengke ng Hagonoy na hanggang ngayon ay hindi pa naitatayo ang kapalit.

    Dahil din sa malakas na hangin at pag-ulan noong Martes, kinansela ng Department of Education (DepEd) ang klase sa elementarya at sekundarya sa lalawigan.

    Ayon kay Provincial Administrator Jim Valerio, ang nagpalabas ng utos sa pagkakansela ng klase ay si Dr. Edna Zerrudo, ang division superintendent ng DepEd sa Bulacan.

    Sa larangan ng pagsasaka, sinabi ni Gloria Carillo, ang hepe ng provincial agriculture office, na tinatayang aabot sa P80-milyon ang napinsalang palayan sa lalawigan.

     Ayon kay Carillo, karaniwan sa mga palay na naapektuhan ay sumasapaw na at malapit ng anihin.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here