Pagpapawalang bisa sa mining ban pinalawig

    387
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Pinalawig pa ng kapitolyo hanggang Disyembre 31 ang pansamanatalang pagpapawalang bisa sa utos na nagbabawal sa pagmimina sa Bulacan.

    Ito ay nangangahulugan na maaaring minahin anumang uri ng likas yamang mineral sa lalawigan, maliban sa mamahaling tea rose marble na minimina sa kabudukan ng Biak-na-Bato sa bulubunduking bayan ng Donya Remedios Trinidad (DRT).

    Gayunpaman, nagpasubali ang kapitolyo na tanging ang mga minahang sumusunod sa pamantayang hindi nakakasira sa kalikasan ang maaaring makapagsagawa ng operasyon.

    Kaugnay nito, ipinagmalaki ng kapitolyo na umabot sa P15-milyon ang halaga ng buwis na kanilang nakulekta sa unang 100-araw ng pamamahala ng administrasyon ni Gob. Wilhelmino Alvarado.

    Ang halagang ito ay katumbas ng isang taong koleksyon ng kapitolyo noong 2009, o sa panahon ng administrasyon ni dating Gob. Joselito Mendoza. Sa susunod na taon, plano ng kapitolyo na makakulekta ng P50-milyong buwis mula sa pagmimina.

    “Extended hanggang December 31 ang lifting ng mining ban,” ani Atty. Rustico “Teddy” De Belen, ang hepe ng Environment and Natural Resource Office ng kapitolyo.

    Binigyang diin pa niya na “open lahat ng mineral resource, maliban sa tea rose.”

    Ito ay dahil na rin sa kasalukuyan ay hinihintay pa ang desisyon ng Korte Suprema sa usaping inihain doon ng mga taong bumubuo ng mga pamilyang nag-aangkin sa karapatang makapamina ng tea rose sa Biak-na-Bato mineral reservation area.

    Batay sa sipi ng Atas Tagapagpaganap Blg. 07 na nilagdaan ni Alvarado noong Oktubre 11, pinawalang bisa nito ang Atas Tagapagpaganap Blg. 01-2010 na nagsantabi sa kautusang nagbabawal sa pagmimina sa Bulacan.

    Ang Atas Tagapagpaganap Blg. 01-2010 ay may bisa lamang sa loob ng isang buwan.  Ito ay napagtibay noong Agosto 23 matapos ang isang pulong na dinaluhan ng mga opisyal ng kapitolyo, mga lokal na pamahalaan at mga kasapi ng marble Association of the Philippines (MAP).

    Batay sa Atas Tagapagpaganap Blg. 07, ang pagpapalawig sa pagmimina ng graba, buhangin, loupe, escombro, feldspar, silica, basalt, at marmol maliban sa tea rose sa Bulacan ay isang daan upang hindi maparalisa ang ibat-ibang proyektong pang imprastraktura ng pamahalan tulad ng mga kalsada, tulay, at pabahay.

    Pinalawig din nito ang panahon ng pagmimina sa Bulacan upang hindi maapektuhan ang mga lehitimong negosyong pang-konstruksyon. Ito ay upang maiwasan ng mga lehitimong opereytor at kumpanyang  nagmimina na masira ang kanilang kontrata o kasunduan makapagtustos ng mga mga nasabing mineral sa ibang kumpanyang kanilang ka-kontrata.

    Kaugnay nito, iniulat ni De Belen na sa unang 100-araw ng administrasyong Alvarado ay nakakuleta sila ng P15-milyong kabuuang buwis mula sa mga nagmimina.  Ito ay katumbas ng kabuuang buwis na nakulekta ng ENRO sa loob ng isang taon noong 2009 o sa panahon ni dating Gob. Joselito Mendoza.

    Ang nasabing buwis ay nakulekta ng ENRO sa tamang pagpapatupad ng batas.

    “Hindi na sila nakapag-recycle ng delivery receipt (DR) dahil ang bawat DR ay minsan lang nagagamit,” ani De Belen at ipinaliwanag na sa sinundang administrasyon, ang mga DR na binabayaran ng mga quarry operators sa kapitolyo ay paulit-ulit na nagagagmit na kung minsan ay umaaabot ng 100 beses.

    Ito ay dahil na rin sa ang mga taong nagbabantay sa mga checkpoint, kabilang ang mga pulis, sundalo at mga barangay tanod ay hindi na iniintindi kung legal o paso na ang DR, sa halip ay tumatanggap na lamang ng pera o lagay mula sa mga driver ng truck.

    Ayon pa kay De Belen, plano nila na mapataas ang kanilang koleksyon sa P40-milyon bago matapos ang taon, at sa taong 2011, sinabi niya na ang kanilang target na koleksyon ay aabot sa P50-milyon.

    Ang nasabing target koleksyon ay higit namang mababa sa koleksyon sa quarry ng Pampanga na umaabot ng mahigit P300-milyon bawat taon o halos P1-milyon bawat araw.

    Ayon kay De Belen, hindi sila maaaring makipagsabayan sa koleksyon ng Pampanga dahil sa kanila pang binabalanse ang pangangalaga sa kalikasan.

    “Hindi naman puwede na bigyan mo ng permirt ngayon pagkatapos ay babawiin, we are still balancing protection with sustainable development,” aniya. 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here