Mayors ng mga bayang O Bumaha Ca Pa Mama nagkaisa laban sa pagbaha

    402
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan – Nagkakaisa sila sa pangarap na masolusyunan ang palagiang pagbaha sa kanilang nasasakupan, ngunit kapag pinagsama-sama ang kanilang mga pangalan, taliwas ang kahulugan.

    Ito ay ang mga bayan ng Obando, Bulakan, Malolos, Hagonoy, Calumpit at Paombong na pawang matatagpuan sa lalawigan ng Bulacan, at ang mga bayan ng Masantol at Macabebe sa Pampanga.

    Lahat ay matatagpuan sa baybayin ng Manila Bay, pawang lumulubog sa high tide, at nangangarap na masolusyunan ang problemang ito, kaya’t buong pagkakaisang nagbuo ng alyansa ang mga pinuno ng mga nasabing bayan noong Biyernes matapos ang Inter-LGU Forum on Tidal Flooding na isinagawa sa bayang ito.

    Walang pormal na pangalan ang kanilang alyansa laban sa high tide na epekto ng climate change, ngunit kapag pinagsama-sama ang unang dalawang letra ng pangalan ng mga nasabing bayan ay taliwas sa kanilang pangarap ang mabubuong pangalan.

    Ito ay ang  salitang ObBuMaHa Ca Pa MaMa na hango sa unang dalawa letra ng mga nasabing bayan na palagiang lumulubog sa baha na hatid ng high tide.

    Taliwas man sa kanilang pangarap ang di opisyal ang nasabing pangalan, umaasa ang bawat pinuno ng mga bayang bumubuo sa ObBuMaHa Ca Pa MaMa patuloy silang umaasa na sa kanilang pagbuo ng alyansa ay makakakita sila ng solusyon.

    Matapos ang talakayang Inter LGU Forum noong Biyernes na natapat sa unang ika-100 araw ng panunungkulan ng mga alkalde ng mga nasabing bayan, nagpasya na sila na bumubo ng isang technical working group (TWG).

    Ang TWG ay binubuo ng mga planning and development officer ng bawat bayan kasama ang mga alkalde at iba pang pinuno ng bayan.

    Layunin nito ang konsolidasyon ng mga impormasyon sa bawat bayan upang higit na mapalawak ang pagsusuri sa paghanp ng solusyon.

    Ilan sa mga paunang epekto ng climate change na natukoy ng bawat bayan sa kanilang presentasyon ay ang  pagkabalam ng klase ng mga mag-aaral, pagkasira ng mga ari-arian at imprastraktura, kumbersiyon ng mga palayan sa palaisdaan, pagkakaroon ng mga water borne diseases, paglayo ng mga negosyante at iba pa.

    Ayon sa mga alkalde, ang mga kalagayang ito ay pawang bunga ng palagiang paglubog ng maraming barangay sa kanilang nasasakupan, na isang palatandaan ng climate change.

    Matapos ang pagbuo ng TWG, lumagda rin ang mga alkalde sa isang deklarasyon ng pagkakaisa na ayon kay Mayor Angel Cruz ng bayang ito ay isa lamang hakbang sa paghanap ng solusyon.

    Binigyang diin ni Cruz ang kasabihang “no man is an island” at iginiit na kailangan ang sama-samang pagkilos sa paghanap ng solusyon sa epekto ng climate change.

    Si Cruz ang nagsimula ng inisyatiba at nagsilbing host sa pagsasagawa ng Inter-LGU Forum na dinaluhan ng mga alkalde mula sa mga nasabing bayan.

    Dumalo rin sa talakayan ang embahador ng Netherlands sa Pilipinas na si Robert Brinks; Raphael Lotilla ng Partnerships in Environmental Management for the Seas of East Asia (Pemsea); Nicolaas Oreel ng Philippine Disaster Recovery Foundation (PDRF); at Dr. Rosa Perez ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC).

    Bawat isa sa kanila ay nagbigay ng suhestiyon sa mga alkalde ng mga bayang bumubuo sa ObBuMaHa Ca Pa MaMa kung paano matutugunan ang pagbahang hatid ng climate change.
     


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here