Hardware stores sa Bulacan nagkaisa sa pagsusulong ng product standard

    332
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Pormal na sisirain ng samahan ng mga nagmamay-ari ng hardware sa Bulacan ang mga hindi sertipikadong produkto sa susunod na linggo.

    Ito ay bilang pagpapakita ng kanilang commitment sa mataas na kalidad ng produktong dapat ibenta sa kanilang mga kostumer.

    Ayon kay Rhine Aldana, direktor ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Bulacan, ang pagsira sa mga di sertipikadong produkto ay isasabay sa isasagawang general assembly ng mga kasapi ng Bulacan Hardware Association Inc., (BHAI).

    Sinabi pa ni Aldana na ang mga di sertipikadong produkto ay kusang isinuko ng mga kasapi nga BHAI, ngunit hindi pa nila tinukoy kung anu-anong uri ng produkto iyon.

    Bukod sa pagsira sa mga nasabing produkto, ilulunsad din ng BHAI kasama ang DTI-Bulacan ang isang text hotline na bahagi ng kanilang programang “I-text mo at aaksyunan ko.”

    Layunin ng nasabing hotline na ang numero ay ilalahad sa araw ng general assembly na higit na mabigyang proteksyon ang mga Bulakenyong konsyumer.

    Bahagi rin ng isasagawang general assembly ang paggagawad ng “Bagwis Bronze Seal” para sa mga natatanging hardware store sa lalawigan.

    Ang BHAI ay inorganisa ng DTI-Bulacan nitong Mayo 21at nagsasagawa ng regular na pulong upang matugunan ang mga hamon sa kanilang hanay.

    Layunin din ng BHAI na matulungan ang mas maliliit na hardware store sa lalawigan at magkaroon ng regular na ugnayan.

    Kaugnay nito, sinabi ni Aldana na patuloy ang monitoring ng DTI-Bulacan bentahan ng mga pangunahing produkto sa ibat-ibang pamilihan sa Bulacan lalo pa ngayon na nalalapit na ang kapaskuhan.

    Ayon kay Aldana, hindi mangingimi ang DTI-Bulacan na kasuhan ang sinumang magsasamantala sa mga mamimili sa pamamagitan ng overpricing.

    “Handa kami na magbigay ng proteksyon sa ating mga mga kababayang mamimili kaya’t patuloy ang aming monitoring,” ani Aldana.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here