Toll fee increase sa NLEX sa Enero na

    571
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Napipintong tumaas ang singil sa toll fee sa North Luzon Expressway sa susunod na taon, ngunit ayon sa mataas na opisyal ng Manila North Tollways Corporation (MNTC) ay mananatiling mas mababa ito kumpara sa singil ng kumpanya noong 2005.

    Ayon kay Rodrigo Franco, pangulo at chief operating officer (CEO) ng MNTC, naghahanda na sila para sa susunod na pagtataas ng singil ng toll fee sa 89-kilometrong NLEX dahil tuwing ikalawang taon ay nagbabago ang kanilang singil.

    “There might be another toll adjustment by January, but we can assure our motorists that it will be lower than the first toll rate the MNTC collected in 2005,” aniya.

    Ipinaliwanag ni Franco na ang pagtataas ng toll fee sa NLEX ay itinakda sa kanilang toll operation agreement sa gobyerno, ngunit sa halip na magtaas sila ng singil sa toll fee sa huling dalawang pagkakataon ay nagbaba na sila.

    Dahil dito, ang dalawang huling pagbabago sa singil ng toll fee ay tinawag nilang “toll adjustment” sa halip na “toll hike.”

    “We call it toll adjustment and not toll hike because in the last two toll rate changes, we actually bring down the toll rates instead of hiking it,” ani Franco.

    Ayon kay Franco, ang panibagong panukala sa pagtataas ng toll fee sa NLEX ay ihahain na nila sa Toll Regulatory Board (TRB) bago matapos ang buwan ng Oktubre.

    “It’s now the subject of discussion and we hope it will be approved for implementation early next year,” aniya.

    Matatandaan na sa pagsisimula ng pamamahala ng MNTC sa NLEX noong 2005, biglang tumaas ang singil sa toll fee kumpara sa dating sinisingil ng Philippine National Construction Corporation (PNCC) na dating namamahala doon.

    Batay sa naunang paliwanag ng MNTC, mas sulit naman ang kanilang siningil sa toll fee noong 2005 dahil sa gumastos sila ng bilyon-bilyong piso para sa rehabilitasyon ng NLEX.

    Iginiit pa nila na mas mababa pa rin ang singil nila noong 2005 kumpara sa per kilometrong singil ng ibang tollway sa ibang panig ng mundo.

    Dahil sa tuwing ikalawang taon ang nakatakdang pagbabago ng toll fee sa NLEX, ito ay nakatakda sanang baguhin noong 2007 at 2009.

    Ngunit sa halip na tumaas ang singil sa toll fee sa mga taong iyon ay bumababa pa ito dahil na rin sa atas ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

    Bukod dito, nakaranas din ng pag-unlad ang ekonomiya ng bansa noon at lumakas ang palitan ng piso kontra dolyar.

    Ang paglakas ng palitan ng piso kontra dolyar ay isa sa mga nasilip na dahilan ng administrasyong Arroyo noon upang hatakin pababa ang singil sa toll fee.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here