‘Submarine’ trike sagot ng Hagonoy sa high tide

    402
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan – Umula’t umaraw ay lumulubog sa high tide ang malaking bahagi ng bayang ito na matatagpuan sa baybayin ng Bulacan.

    Kabilang dito ay ang kabayanan kung saan matatagpuan ang palengke at ang munisipyo ng nasabing bayan.

    Ngunit sa kabila ng madalas na paglubog ng Hagonoy sa high tide, ay hindi pa rin sumusuko ang mga residente nito.

    Marami sa kanila ay naniniwala sa pananaw na “life goes on”, kaya’t sa halip tumigil sa pamamasada ang nga driver ay nagpapatuloy pa rin sa kabila ng pagiging lubog sa tubig ng mga lansangang kanilang pinamamasadahan.

    Ito ay sa pamamagitan ng kanilang “submarine tricycle.”

    Ang “submarine tricycle” ay nakakatulad din lamang ng pangkaraniwang tricycle, ngunit ito ay nagagamit pamasada kahit sa malalim na tubig baha.

    Ito ay dahil sa ang tambutso ng karaniwang tricycle ay sinusudlungan ng ilang driver ng tubo.

    “May extension ang tambutso para di mapasok ng tubig, kasi nasisisira ang makina,” ani Aris Santos, isang driver ng tricycle sa Barangay San Sebastian.

    Inayunan naman ito ni Jun Santos, isa sa mga tricycle driver na naglagay ng sudlong na tubo sa tambutso ng kanyang tricycle.

    “Mula ng lumaki ang tubig  naglagay na ako ng dugtong na tambutso dahil di makaya ng motor pag hindi lalagyan ng ganuon, hindi makahinga ang makina,” ani Santos.

    Iginiit niya na kapag hindi sinudlungan ang tambutso ng tricycle, pinapasok ito ng tubig at nasisira, maging ang kuryente nito, kaya’t lalong lumalaki ang gastos niya.

    Sinabi pa ni Santos na kung hindi nila susundlungan ang kanilang tambutso ay malakas sa konsumo ng gasolina ang kanilang tricycle dahil sa nahihirapan ang makina nito.

    Para naman sa mga tricycle driver na tulad ni Leo Marquez na hindi naglagay ng sudlong na tubo sa kanyang tambutso, tumitigil na lamang siya sa pamamasada, dahil nahihirapan lamang ang kanyang motor at posibleng masira dahil sa high tide.

    Ngunit hindi lamang mga driver ang apektado ng high tide sa bayan ng Hagonoy, kundi maging ang mga pasahero na tulad ni Bert Inocencio na nagreklamo na nadadagdagan ang presyo ng kanilang pamasahe kapag malalim ang high tide.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here