Di babawasan ng tubig ang Kalakhang Maynila

    319
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Hindi pa babawasan ang alokasyong tubig sa Metro Manila dahil may supisyente pa raw na supply, ayon sa National Water Regulatory Board (NWRB).

    Kaugnay nito, patuloy ang pagkaubos ng tubig sa Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan at batay sa huling tala kahapon ng umaga, bumaba ang water elevation sa 158.89 meters above sea level (masl).

    Ang water elevation na ito at mas mataas lamang ng .74 meter sa 158.15 masl, ang pinakamababang water elevation na naitala sa dam noong Setyembre 1998, isang taon matapos manalasa ang El Niño sa bansa.

    “Hindi pa babawasan ang water allocation sa Metro Manila dahil sufficient pa ang supply,” ani Vicente Paragas, executive director ng NWRB, sa panayam sa telepono kahapon.

    Sa kasalukuyan, ang Metro Manila ay tumatanggap pa ng alokasyong 33 cubic meters per second mula sa Angat Dam.

    Dahil naman sa patuloy na pagka-ubos ng tubig sa dam, sinabi ni Paragas na pupulungin niya ang isang technical working group (TWG) ngayon (Biyernes) upang talakayin ang kalagayan ng supply ng tubig sa Metro Manila.

    Ang TWG ay binubuo ng mga kinatawan mula sa National Power Corporation (Napocor), Departments of Agriculture (DA), Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa), at mga konsesyunaryo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na binubuo ng Maynilad Water Services Inc., (MWSI) at the Manila Water Corporation Inc., (MWCI).

    Ayon kay Paragas tatalakayin din nila ang posibilidad ng pagbabawas ng alokasyon tubog sa Metro Manila kung sakaling wala pa ring ulan na pumatak sa 163,000 ektaryang Angat Dam watershed sa kabundukan ng Sierra Madre.

    Gayunpaman, umaasa siya na may malalakas na pag-ulan na darating batay sa naunang forecast ng Pagasa.

    Samantala nanawagan din siya sa mga residente ng Metro Manila na magtipid sa tubig sa pamamagitan ng muling paggamit ng tubig na pinaghugasan ng pinggan bilang pandilig o panglinis sa gamit sa bahay.

    Ayon kay Paragas, ang water conservation ay dapat maging way of life ng mga tao, kapusin man o hindi ng tubig.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here