Unang panlalawigang tanggapan para sa mga Dumagat lilikhain

    381
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Nabuhayan ng loob ang mga katutubong Dumagat sa Bulacan maging ang Bulakenyong nagsusulong ng kanilang kapakanan sa planong paglikha ng isang panglalawigang tanggapan para sa mga katutubo.

    Ang mga katutubong Dumagat ay itinuturing na mga ‘origihinal” na Bulakenyo dahil ang kanilang mga ninuo ang unang residente ng mga lalawigan bago pa man dumating ang mga katutubong Malayo na ngayon ay tinatawag na “Tagalog”, at mga dayuhang Kastila.

    Binigyang diin naman ng Sagip Sierra Madre Environmental Society (SSMES) na isang malaking hakbang tungo sa tuluyang pagkilala sa mga katutubo ang pangako ni Gob. Wilhelmino Alvarado na paglikha ng tanggapan.

    Ang pangako ni Alvarado ay kanyang inihayag sa kanyang talumpating pasinaya noong Hunyo 30 matapos siyang manumpa bilang ika-31 gobernandor ng lalawigan.

    “Salamat at napasin din ang mga Dumagat sa wakas,” ito ang tuwang-tuwang pahayag ni Bro. Martin Francisco ng SSMES matapos marinig ang pahayag ni Alvarado.

    Inayunan din ito ni Ely Borcena, isa pang kasapi ng SSMES na katulad ni Francisco ay mahigit ng 10 taong nagsusulong ng adbokasiya para sa kapakanan ng mga mga Dumagat na itinuturing na “orihinal na mga Bulakenyo.”

    Ang pahayag nina Francisco at Borcena ay may kaugnay ng mahabang panahon na pagkalimot ng sambayanang Bulakenyo at ng mga lokal na pamahalaan sa mga katutubong Dumagat na ngayon na nakatira sa ibat-ibang pamayanan sa pusod ng kabundukan ng Sierra Madre.

    Ayon kay Francisco, matutugunan na ngayon ang pangangailangan ng mga katutubo sa kabundukan lalo na sa larangang pangkabuhayan, edukasyon, at kultura.

    Sa mas naunang panayam  kay Francisco, ang tatlong nabanggit na suliranin ng mga katutubo ay may kaugnay ang lahat sa kanilang kapaligirang pinaninirahan.

    “Nakadepende sila sa environment kaya kung masisira ang kabundukan, walang pupuntahan ang mga katutubo,” ani Francisco.

     Batay sa mga pag-aral ng ilang historyador sa lalawigan, ang mga katutubong Dumagat ay dating nakatira sa baybaying dagat sa kanlurang bahagi ng Bulacan.

    Ngunit sa pagdating ng mga katutubong Malay at Kastila, unti-unting umurong patungo sa mga kabundukan ang mga mga Dumagat na noong dekada 50 ay tuluyang iniwan ang kanilang pamayanan di kalayuan sa kasalukuyang munisipyo ng Lungsod ng San Jose Del Monte ngayon.

    Ayon pa rin kay Francisco, maraming pagtatangka ang mga pamahalaang lokal na tulungan ang mga katutubo ngunit hindi lahat ay naging matagumpay dahil sa hindi nauunawaan ng mga ito ang kultura ng mga katutubo.

    Isang halimbawa ay ang pagbibigay ng yero sa mga ito upang makapagtayo ng mga bahay, ngunit ayon kay Francisco, hindi katulad ng kaugalian at pananaw ng mga Tagalog ang pananaw at kaugalian ng mga katutubo sa larangan ng pagtatayo ng bahay.

    “Sanay sila sa mga kubo na hindi permanente, di tulad ng mga Tagalog na kongkreto ang bahay,” ani Francosco at iginiit pa na ang kabundukan ang katumbas ng “mall” para sa mga katutubo.

    Ipinaliwanag niya na kung ang mga Tagalog ay namimili ng gamit sa mga “mall”, ang mga katutubo naman ay namimitas ng kanilang mga kailangan sa kabundukan.

    “Sana ay matuloy ang pangako ni governor na pagtatayo ng panglalawigang tanggapan para sa mga Dumagat,” ani Francisco at sinabing iyon ay makatutulong upang higit na maunawaan ng mga Bulakenyo ang kultura ng mga katutubo.

    Bukod dito, sinabi niya na higit na mapapaunlad ang programa sa edukasyon para sa mga katutubo na unang pinasimulan ng Simbahang Katoliko sa lalawigan na di nagtagal ay sinundan at ipinagpatuloy ng gobyerno.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here