11 sa 22 solons sa CL absent sa sesyon na sana’y nagpatibay sa FOI

    783
    0
    SHARE
    MALOLOS—Labing-isa sa 22 kongresista mula sa Gitnang Luzon kabilang ang apat sa anim na nagmula sa Bulacan ang hindi dumalo sa sesyon ng Kongreso noong Biyernes, Hunyo 4 kung kailan itinakdang pagtibayin ang Freedom of Information (FOI) Bill.

    Ang 11 kongresista sa Gitnang Luzon an hindi dumalo ay kabilang sa 139 Kongresista sa buong bansa na hindi dumalo sa makasaysayang sesyon na tuluyang naglibing sa FOI.

    Ang FOI ay isang panukalang batas na naunang pinagtibay sa bicameral committee ng Kongreso at Senado. Bibigyan na ito ng Senado ng hiwalay na concurrence o pagpapatibay, at ang tanging kulang na lamang ay ang kaugnay na concurrence ng Kongreso upang ibigay iyon sa Pangulo ng bansa at lagdaan upang maging ganap na batas.

    Ang FOI naglalayong magbibigay ng higit na karapatan sa mga mamamayan at mga mamamahayag upang makita ang mga impormasyon hinggil sa mga proyekto ng gobyerno.

    Dahil sa di pagdalo ng mga Kongresista, hindi nakaipon ng sapat na bilang o quorum ang Kongreso upang mabigyan ng concurrence o pagpapatibay ang FOI.

    Bilang tugon, kinondena ng mga mamamahayag ang pagsasawalang bahala ng mas nakararaming Kongresista, at nangakong sisingilin ang mga ito sa kanilang pagpagtataksil sa demokrasya

    Gayunpaman, sinabi ni Froilan Bacungan, dating dekano ng University of the Philippines Law School, na kung transparency o kaluwagan sa pagbibigay ng impormasyon ang kailangan, maaaring maglabas ng executive order ang bagong Pangulo ng bansa na tinugon naman ni Senador Benigno “Noynoy” Aquino III na gagawin niyang prayoridad iyon sa kanyang administrasyon.

    Si Aquino ang kandidato sa pagka-Presidente sa nagdaang makasaysayang halalan na nangunguna sa bilangan ng balota sa Kongreso at napipinto nang iproklama bilang susunod na Pangulo ng bansa.

    Batay sa talaang inilabas ni Speaker Prospero Nograles na nakuha sa internet, 11 sa 139 kongresista na hindi dumalo sa nasabing makasaysayang huling sesyon ng Kongreso ay nagmula sa Gitnang Luzon.

    Kabilang sa nasabikng bilang ay ang apat sa anim na kongresista mula sa Bulacan.

    Ang mga Kongresistang Bulakenyo na hindi dumalo sa naturang sesyon ay sina Kint. Marivic Sy-Alvarado ng unang distrito, Kint. Pedro Pancho ng ikalawang distrito, king Reylina Nicolas ng ika-apat na distrito, at Kint. Arthur Robes ng lone district ng Lungsod ng San Jose Del Monte.

    Tanging sina Kint. Lorna Silverio ng ikatlong distrito ng lalawigan at Kint. Joel Villanueva ng Citizen’s Battle Against Corruption (Cibac) party-list ang dumalong kongresista mula sa Bulacan.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here