ARNEL MENDOZA:
    Una at nag-iisang halal na alkalde sa Bulacan na nagtapos ng DPA

    547
    0
    SHARE
    BUSTOS, Bulacan – Ibat-iba ang kakayahan na tinapos na kurso ng mga halal na opisyal sa Bulacan.

    Mayroon sa kanilang duktor ng medisina, mayroon ding negosyante, abogado, accountant, artista at inhinyero.

    Ngunit kakaiba ang kursong tinapos ni Arnel Mendoza, ang halal na alkalde ng bayang ito.

    Siya ay nagtapos ng Doctor of Public Administration (DPA) sa Bulacan State University (BulSU). Hindi lamang siya ang unang halal na alkalde sa lalawigan na may titulong DPA, siya rin ang nag-iisa na nagpapakita ng mataas na pagpahalaga sa edukasyon bilang isang alkalde, ayon sa mga opisyal BulSU.

    “He is our first DPA graduate who will assume a top elective position in a municipality or city,” ani Dr. Ricardo Santos, isang propesor sa BulSU Graduate School na nagsilbing tagapayo ng  47-taong gulang na si Mendoza sa pagtatapos ng kursong DPA.

    Para naman kay Dr. Danilo Hilario, ang vice president for external affairs ng BulSU, kahanga-hanga ang naging kapalaran ni Mendoza.

    “Hindi simple ang kanyang determinasyon sa pag-aaral at sa paglilingkod sa bayan,” ani Hilario.

    Si Arnel ay panganay na anak ng yumaong si dating Mayor Pablito Mendoza at Dr. Rosalinda Mendoza na may-ari ng Sto. Nino Hospital sa Bustos.

    Ang matandang Mendoza ay yumao nito lamang Marso 17.  Siya ay nagsilbing alkalde ng Bustos mula 1988 hanggang 1998.

    Pagkatapos ng termino ng kanyang ama noong 1998, kumandidato at nanalo si Arnel, ngunit noong 2001 ay tinalo siya ng kanyang dating Bise Alkalde na si Carlito Reyes.

    Ang panalo ni Reyes ay tumapos sa 13 taong panunugkulan ng mga Mendoza sa bayang ito.

    Noong 2004 at 2007 ay nilabanan ni Arnel si Reyes, ngunit tinalo pa rin siya nito.

    Sa kabila nito, hindi sumuko si Arnel. Ginugol niya ang kanyang panahon sa pagkakadalubhasa at pagtuturo ng Pilosopiya sa BulSU-Bustos Campus.

    Sa panahon ding iyon, ipinagpatuloy ni Arnel ang kanyang pag-aaral hanggang sa matapos niya ang Masters degree at ang kursong DPA noong 2008.

    Noong nakaraang Nobyembre, muling nagsumite ng kanyang certificate of candidacy (COC) si Arnel upang labanan sa ika-apat na pagkakataon si Reyes na kumandidato rin sa kabila ng pagbabawal ng Commission on Elections (Comelec) dahil nakatatlong sunod na termino na siya.

    Ang muling paglaban ni Arnel kay Reyes ay tinutulan din ng kanyang pamilya at mga kaibigan.

    Ngunit hindi siya napigilan sa paniniwalang, kung hindi siya lalaban, wala siyang tsansang manalo at isulong ang kaunlaran ng bayang ito.

    Nadagdagan pa ang agam-agam ng pamilya ni Arnel sa kanyang kandidatura dahil sa pagkamatay ng kanyang ama noong Marso 17.

    Ngunit nanatili ang determinasyon ni Arnel.

    “Talagang determinado at very focus siya sa kampanya,” ani Dr. Mendoza patungkol sa anak.

    Sinabi niya na nagsilbing inspirasyon sa kanyang anak ang muling makapaglingkod sa kanilang mga kababayan.

    Hinggil sa mga kurso ng pagkadalubhasa na tinapos ng kanyang anak, sinabi ni Dr. Mendoza na “I think he is more prepared now, kumpara sa unang election niya at mga kampanya.”

    “We are very glad he devoted his time to more productive endeavor and he was able to come back,” ani Dr. Mendoza.

    Idinagdag pa niya na “not too many were given a chance to go to graduate school and pursue doctoral studies.  I know, my son will use what he learned in school for further development of our town.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here