Alkaldeng ‘Kano’ ng Obando, muling kumakandidato

    385
    0
    SHARE
    OBANDO, Bulacan—Nasa balag ng alanganin ang reeleksyonistang alkalde ng bayang ito na si Orencio Gabriel dahil sa hindi niya isinuko ang kanyang American citizenship noong 2007.

    Nabulgar lamang ang anomalya sa citizenship ni Gabriel matapos matuklasan na ilang beses siyang lumabas ng bansa mula 2007 hanggang 2009 gamit ang isang pasaporteng Amerikano.

    Sa mga nasabing dokumento na sinertipikahan ng Bureau of Immigration, nakatala doon ang nasyonalidad ni Gabriel bilang isang “American.”

    Gayunpaman, isinasaad din ng mga dokumento na tatlong beses lamang ginamit ni Gabriel ang kanyang pasaporteng Pilipino, ngunit 16 na beses niyang ginamit ang kanyang pasaporteng Amerikano sa kanyang paglabas at pagbalik sa bansa sa pagitan ng Enero 1, 2007 at Pebrero 25, 2009.

    Batay sa sertipikasyong pinirmahan ng opisyal ng BI na si Renato Santiago noong Mayo 21, 2009, ang mga nasabing dokumento ay inilabas sa pamamagitan ng kahilingan ng isang Mauro Gia Samonte, na ayon sa mga residente ng bayang ito ay isang direktor ng pelikula.

    “Ang alam namin ay hindi gumagawa ng pelikula si Direk Samonte, at ang ginagawa niya ay mga documentary film,” ani Ricky Bautista, isa sa mga kandidato bilang konsehal ng bayan.

    Sinabi ni Bautista na si Samonte ay minsang nagsagawa ng dokumentaryo sa bayang ito hanggang sa magka-interes ito sa alkalde at magsagawa ng pagsasaliksik.

    Dahil dito, nadiskubre ni Samonte ang mga dokumento hinggil sa nasyonalidad ni Gabriel.

    Matatandaan na bago maghalalan noong 2007 ay nanumpa pa sa isang huwes sa bayang ito sa Gabriel bilang pagpapakita na isinuko na niya ang kanyang American citizenship.

    Ang nasabing panunumpa ay ipinag-imbita pa ni Gabriel ng mga mamamahayag.

    Ngunit lumalabas na hindi nagkabisa ang panunumpa sa huwes ni Gabriel dahil nanatili pa rin ang pagiging Amerikano nito na pinatunayan ng paggamit niya ng pasaporteng Amerikano matapos siyang mahalal noong 2007.

    “Tatlong taon kaming naloko, di pala Pinoy ang Mayor namin,” ani ng isang dating taga-suporta ni Gabriel na tumangging ipabanggit ang pagkakakilanlan.

    Sa kabila nito, nagpahayag naman ang ilang kandidatong alkalde ng bayang ito tulad ng negosyanteng si Edwin Santos na hindi maghahain ng kasong diskwalipikasyon laban sa kanyang katunggaling si Gabriel.

    Ito ay dahil sa halos tatlong linggo na lamang ang nalalabi bago maghalalan.

    “Lalabas na namumulitika ako, mainam na yung manalo ako sa patas na paraan,” ani Santos.

    Gayunpaman, sinabi ng ilang kandidato na hindi naman nila mapipigilan kung may ibang botante ng bayang ito na magsampa ng kaso laban kay Gabriel upang ito ay madiskwalipika.
    Tinangka naman ng mamamahayag na ito na kunin ang panig ni Gabriel, ngunit hindi ito nakontak.

    Ayon sa ilang taga-suporta ng reeleksyunistang alkalde, nakatutok ito sa kampanya dahil sa tatlo ang katunggali nito sa pagka-alkalde na kinabibilangan nina Santos , Leonardo Pantanilla, at dating Mayor Onesimo Joaquin.

    Ang bayan ng Obando ay isa sa pinakamaliit na bayan sa lalawigan ng Bulacan.  Ito ay binubuo ng 11 barangay at may populasyon lamang na halos 60,000.

    Ito ay matatagpuan sa baybayin ng Bulacan sa hilaga ng Navotas, samantalang nasa silangang bahagi nito ang Valenzuela at Meycauayan City, at sa hilaga ay ang bayan ng Bulakan.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here