MARIVELES, Bataan — Isang suspek ang naaresto matapos makumpiska ng humigit-kumulang 55 gramo ng hinihinalang shabu, isang kalibre .45 na baril at isang granada sa isinagawang magkasanib na buy-bust operation ng mga awtoridad sa Mariveles, Bataan.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱374,000 ang nasamsam na ilegal na droga batay sa Standard Drug Price (SDP).
Isinagawa ang operasyon ng Mariveles Municipal Police Station (MPS), katuwang ang Bataan Provincial Intelligence Unit (PIU) at Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU).
Bukod sa hinihinalang shabu, narekober din ang isang Para-Ordnance caliber .45 pistol na may magazine na naglalaman ng dalawang bala, gayundin ang isang hand grenade.
Dinala ang mga nakumpiskang droga at baril sa Bataan Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination at ballistic testing. Humingi rin ang mga awtoridad ng tulong sa Bataan Provincial Explosives and Canine Unit para sa ligtas na pagsusuri at paghawak sa granada.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Republic Act 9516 kaugnay ng ilegal na pagmamay-ari at paghawak ng mga pampasabog. (30)



