Lamay sa kapitolyo

    1057
    0
    SHARE
    Ang kasalukuyang kalagayan sa kapitolyo ng Bulacan ay nagpapaala ng mga larawan nito matapos ang May 14, 2007 elections kung kailan binilang ang mga boto.

    Noon ay sarado ang mga kalsadang patungo sa kapitolyo, may mga nakaharang pang dumptruck.



    Ngayon, isinasara din ang mga lansangan, partikular na sa harap ng kapitolyo.

    Pero bukod dito, sarado at naka-padlock ang anim sa pitong pinto ng kapitolyo. Dalawa sa mga nasabing pinto, partikular na ang nasa likod ay madalang buksan.



    Ang kalagayang ito ay nagsimula nitong Disyembre 1 kung kailan inilabas ng Comelec ang second division ang desisyon na nagpawalang bisa sa proklamasyon kay Gob. Joselito Mendoza, at nag-utos sa kanya na lisanin ang tanggapan upang bigyan daan si dating Gob. Roberto Pagdanganan.


    Ilang araw matapos ilabas ang nasabing desisyon, ay may mga tao ng nagtipon sa harap ng kapitolyo. Araw at gabi ay nadoon sila at parang naglalamay—may videoke at telebisyon pa ngang libangan sa ilalim ng tent na doo’y nakatayo na nagsilbing pananggalang nila sa init ng araw at lamig ng hamog kung gabi.



    Sabi ng mga tao, sila ay nagboluntaryo na maglamay, este, magbantay sa harap ng kapitolyo. Ibig sabihin, hindi raw sila binayaran.

    Inayudahan pa ito ni Gob. Joselito Mendoza na hindi totoo ang balitang nagbayad sila ng halagang P500 sa bawat tao na nagbabantay sa harap ng kapitlyo.



    Kung totoong nagboluntaryo magbantay ang mga tao sa harap ng kapitolyo, magandang balita ito.

    Ibig sabihin, buhay pa ang diwa ng boluntarismo, ng bayanihan sa Bulacan kung saan ang mga tao ay hindi naghihintay ng bayad bilang kapalit sa kanilang serbisyo kahit nagugutom ang kanilang pamilya.



    Kung totoong nagboluntaryo siila, marapat lamang na hikayatin din sila ni Gob. Mendoza na magboluntaryong maglinis sa harap ng kapitolyo, o kaya ay sa mga lansangan.

    Dapat din silanmg hikayating magboluntaryo para voters education sa Bulacan, di ba?



    Ayon sa mga nagboluntaryong magbantay sa harap ng kapitolyo, naniniwala sila na ang Bagong Bulakenyo na si Gob. Mendoza ang nagwagi sa 2007 gubernatorial race sa Bulacan.

    Teka, hindi ba’t ang Bagong Bulakenyo ay maginoo? At ang maginoo ay marunong tumanggap ng pagkatalo?



    Pero sabi ng Bagong Bulakenyong si Gob. Mendoza, hindi raw siya bababa sa puwesto.

    Dahil hindi raw siya nandaya noong nakaraang halalan.



    Kung hindi siya ang nandaya, sino ang nandaya sa halalan noong 2007 elections.

    Hmmmn, wala kasing natatalo sa halalan, nadaya lang.



    Hamon naman ng mga Bulakenyo kay Mendoza, kung siya ang tunay na nanalo sa halalang pang-gobernador noong 2007 sa Bulacan, bakit hindi siya muling kumandidato bilang gobernador?

    Once and for all to prove who really won, sabi ng mga Bulakenyo at inihalimbawa pa si Pampanga Gob. Eddie “Among Ed” Panlilio na muling haharap kay dating Board Member Lilia Pineda.



    Narito pa ang tanong ng mga Bulakenyo. Sino ang gumagastos sa pagkain ng mga taong nagbabantay sa harap ng kapitolyo ng Bulacan? Napapansin kasi ang catered na pagkain nila doon.

    Bukod diyan, saan kumukuha ng kuryente ang mga videoke at TV na ginagamit na libangan ng mga nagbabantay sa harap ng kapitolyyo?



    Eto pa ang isa. Sakop pa ba ng trabaho ng mga department head ng kapitolyo ang pag-aasikaso sa mga nagbabantay sa harap ng kapitolyo?

    Hindi bat pulitika ang layunin ng mga nagbabantay, samantalang administratibo ang trabaho ng mga department heads?


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here