1.
Sa San Simon kailan lamang ang municipal engineer
timbog sa CIDG sa tangka raw na pangingikil
ang mahigit isang libo na itinakdang bayarin
sa bawat CNC sana’y umabot ng singkwenta mil
ang dalawang sertipiko’y requirements na gagamitin
sa apartment project at sa mga bodegang gagawin
2.
Non-coverage certificate ay isang pagpapatunay
na ang proyekto ay walang epekto sa kalikasan
ang DENR-EMB ang ahensiyang nagbibigay
ng CNC pag nasunod ang kanilang pamantayan
environmental compliance certificate
ay kailangan
bago maipagkaloob ang nasabing katunayan
3.
Di lamang taga San Simon ang labis na nagbubunyi
sa pagbagsak ni engineer sa kamay ng CIDG
pati taga-ibang bayang nakaalam sa nangyari
lalo na ang mga tao na biktima rin niya dati
karma na raw kay engineer ang kanyang pagkakahuli
yan ang usap-usapan ngayon ng nakararami
4.
Sa facebook ay mababasa maaanghang na komento
at mga pambabatikos sa naturang inhinyero
dahil daw sa kasakiman ang sabi ng mga tao
ay winasak ni engineer pangalan niya’t pagkatao
sa kanyang sinasahod ay tia di pa nakuntento
at nagawa pang mangikil sa nais na magnegosyo
5.
Lahat yata ng alkalde sa may bayan ng San Simon
nakasama ni engineer sa matagal ng panahon
magmula kay Manuel Bondoc na naupo bilang mayor
na sinundan naman noon ni ex-mayor Azor Sitchon
maging kay Digos Canlas at namayapang Leonora Wong
Jun Punsalan at Anne Canlas na alkalde namin ngayon
6.
Hindi lamang si engineer ang sangkot sa anomalya
kung ang Commission on Audit daw ay mag iimbestiga
sa San Simon diumano ay talamak na talaga
ang illegal na transaksiyon basta sa ngalan ng pera
mga dating nakamotor ngayon ay naka- 4 wheels na
na imposibling mabili kung sa sweldo lang aasa
7.
Ang nangyari kay engineer ay hudyat upang matigil
ang talamak na korapsiyon lalo na ng pangingikil
ang ilang empleyado ay nangangamba na marahil
dahil sa pagkakatimbong ng municipal engineer
sa darating na panahon ay malaman din natin
kung sinu-sino ang mga susunod na titimbugin



