Pinsala nadagdagan sanhi ng backfloods

    309
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan—Nadagdagan pa ang pinsala ng kalamidad sa Bulacan dahil sa backfloods mula sa silangang Gitnang Luzon partikular na sa Pantabangan Dam sa Nueva Ecija na nagpatapon ng tubig bilang paghahanda sa bagyong Pepeng.

    Gayunpaman, tiniyak ni Provincial Administrator Perlita Mendoza na magpapatuloy ang rehabilitasyon ng mga bahagi ng lalawigan na napinsala lalo na sa sakahan.

    Batay sa tala ng Provincial Disaster Manage Office (PDMO), umabot sa P685-milyon ang halaga ng mga pananim na nasalanta ng bahang hatid ng bagyong Ondoy sa lalawigan simula noong Setyembre 26, samantalang umabot naman sa P168-milyon ang nasalantang ari-arian at mga imprastraktura.

    Ito ay inisyal na pinsala lamang ng kalamidad sa lalawigan hatid ng biglang pagbaha sa 310 barangay sa 21 bayan at tatlong lungsod sa Bulacan, na humupa sa loob ng tatlong araw.

    Hindi pa kasama sa nasabing halaga ang pinsala ng backfloods na ayon kay Gob. Joselito Mendoza ay karaniwang nananalasa sa mga bayan ng Pulilan, Calumpit at Hagonoy halos isang linggo matapos ang mahaba at malakas na pag-ulan.

    Ang backfloods sa bayan ng Calumpit ay nagsimulang magpalubog sa limang barangay mula noong Oktubre 1.

    Sa mga sumunod na araw, ito ay naramdaman na rin at higit na nagpalalim sa tubig baha sa apat na barangay ng bayang ito.

    Higit pang lumawak ang bahagi ng dalawang bayan na lumubog simula noong Biyernes Oktubre 9.

    Ito ay dahil sa pagpapatapon ng Pantabangan Dam ng tubig mula noong unang linggo ng Oktubre na lalo pang nadagdagan noong Oktubre 8 kung kailan ay nagpatapon ang dam ng 700 cubic meter per second (cms)  na ang katumbas ay 700,000 litro ng tubig.

    Ito ay nadagdagan pa ng 1.5-milyong litro ng tubig na pinatapon hanggang araw ng Linggo, Oktubre11.

    Ayon kay Gloria Carillo, hepe ng provincial agriculture office ng Bulacan, umabot 3,240 ektarayang bukirin ang napinsala ng backfloods sa Bulacan kung saan ay tinatayang aabot sa P52-milyon ang halaga ng dagdag na pinsala sa mga pananim.

    Sinabi niya na bukod sa mga bayan ng Hagonoy, Calumpit at Pulilan, napinsala rin ang mga bukirin sa mga bayan ng San Rafael, San Ildefonso at San Miguel na matatagpuan sa timog na bahagi ng Candaba Swamp na lumubog matapos umapaw ang Pampanga River.

    Ang Pampanga River ay may sanga na umuugnay sa Angat River ng Bulacan sa bahagi ng Calumpit, kaya’t may tubig na dumadaloy sa nasabing ilog na dumadaloy din sa Angat River at Labangan Channel palabas ng Manila Bay.

    “Tuloy-tuloy ang rehabilitation natin sa ibang bayan para tuluyang makabangaon ang mga Bulakenyo doon,” ani Mendoza.

    Sinabi niya na habang patuloy sa mga relief at rescue operations sa mga bayan ng Calumpit, Hagonoy at Pulilan, ay abala rin sila sa rehabilitasyon sa iba pang bahagi ng lalawigan na naapektuhan ng bagyong Ondoy.

    Tiniyak din ni Mendoza na tutulungan din nila ang mga nasalanta ng backfloods sa lalawigan.

     “We are still assessing the damages in the back flood hit areas and soon we will help them as well in rehabilitation,” ani ng provincial administrator.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here