Handa RAW ang Bulacan sa kalamidad

    596
    0
    SHARE
    Ipinagpipilitan ni Liz Mungcal, ang hepe ng Provincial Disaster Management Office (PDMO) ng Bulacan na nakahanda raw sila sa pagtugon sa malakihang kalamidad.

    Sabi ni Mungcal, ang hindi raw nakahanda ay ang mga Municipal Disaster Coordinating Council (MDCC) sa mga bayan at lungsod sa Bulacan.



    Ang pagpipilit ni Mungcal ay bilang reaksyon sa balitang sinulat ng inyong lingkod kung saan ay nabanggit ang pahayag ni Gob. Joselito Mendoza na umaamin na hindi nakahanda ang Bulacan.

    Sabi ni Gob. Mendoza, “nakita na natin ang weakness natin ngayon. Tubig ang weakness natin.” Iginiit pa niya na hindi handa ang Bulacan at kailangan ng dagdag na rubber boats.



    Bakit kaya ipinagpipilitan ni Mungcal na nakahanda sila?

    Hindi kaya sa nangangamba siya na mawalan ng trabaho matapos manalasa si Ondoy sa Bulacan kung saan ay halos 30 katao na ang naitalang nasawi.



    Ang balitang aking sinulat ay batay sa interview ko kay Mungcal noong Biyernes, Setyembre 25, at panayam kay Gob. Mendoza noong Linggo, Setyembre 27.

    Sa aking panayam, tinangka kong sukatin ang kahandaan ng PDMO sa pagtugon ng malakihang kalamidad katulad ng naitalang delubyo noong Oktubre 27, 1978 na muling naalala ng mga Bulakenyo matapos magbabala si Dr. Renato Solidum sa mga Bulakenyo na maghanda sa delubyo dahil ang Angat Dam ay nakaupo sa ibaba ng Marikina fault line.



    Simple ang aking tanong kina Mungcal at Gob. Mendoza. Gaano kahandaa ang Bulacan? May sapat bang equipment o kagamitan, skilled manpower, at pasilidad ang lalawigan kung sakaling maulit ang delubyo noong 1978?

    Itinanong ko ito kaugnay ng babala ni Solidum na nagsabing “prepare for the worse.”



    Sabi ni Mungcal, handa raw. Siyempre, ang kanyang sagot ay ipinahayag sa akin bago pa manalasa si Ondoy sa Bulacan.

    Sabi naman ni Gob. Mendoza noong Linggo, o isang araw matapos manalasa at hagupitin ni Ondoy ang Bulacan,” hindi handa ang Bulacan.”



    Ayon pa kay Gob. Mendoza, aapat ang rubber boat sa Bulacan. Isa ay pag-aari ng PDMO, isa ay hawak ng Marilao, at dalawa ay pag-aari ng Bocaue.

    Lumalabas na kapos talaga sa gamit, partikular na sa mga rubber boat, lalo na kung malawakang pagbaha ang tutugunan.



    Payo pa ni Gob. Mendoza, dapat ay paghandaan ng pondo ng mga pamahlaang bayan at lungsod sa Bulacan ang pagtugon sa mga kalamidad,katulad ng pagbili ng mga rubber boats.

    Tama ang payo ni Gob. Mendoza, dahil hindi ngayon lang gagamitin ang mga rubber boats. Mapapansin na sa mga nagdaang taon at biglaan ang mga pagbaha sa lalawigan.



    Noong 2004, dalawang beses bumaha sa Bulacan. Kaya nang magpulong ang Regional Disaster Council sa Bulacan pagkatapos ng pagbaha noong Disyembre nang taong iyon ay pinagusapan na ang pagbili ng mga LGU ng mga rubber boats.

    Noong Agosto 20007, muling sinalanta ng flash flood ang bayan ng Bocaue kaya lumubog ang bahagi ng NLEX noon kung saan kabilang sa mga sumaklolo ay ang Rescue 117 ng Paombong.



    Ngunit sa kabila ng mga aktuwal na babala at panawagan ng kalikasan, ilang rubber boat ang nadagdag sa Bulacan?

    Ngayon, matapos muling manalasa ang isa pang flash flood sa Bulacan, ilan kayang rubber boat at mga kagamitan tulad ng ambulansiya ang madadagdag sa Bulacan?



    Sa bayan ng Hagonoy na laging binabaha sanhi ng high tide at back floods mula sa upper Central Luzon, sinabi ni acting Mayor Elmer Santos na nagpaplano na silang bumili ng multi-purpose boat para magamit sa mga pagbaha.

    Maganda ang plano ng Hagonoy. Pero may sinasabi ng ilang Konsehal na mayroon na silang panukala para sa pagbili ng bangka. Kaso hindi pumasa sa konseho dahil maliit daw. Pero ang sabi ng nagpanukalang konsehal, hinarang daw.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here