Pahayag ni Mendoza, itinuwid ng Napocor

    677
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Itinuwid ng isang opisyal ng National Power Corporation (Napocor) ang maling balitang naghatid ng pangamba sa mga Bulakenyo na ang tubig na pinatapon ng Angat Dam ang sanhi ng flashflood sa apat na bayan sa southern Bulacan noong Sabado.

    “Hindi sa amin galing yung tubig na naging flash flood sa Bocaue, Marilao, Sta. Maria at Meycauayan City,” ani Engineer Rodolfo German, general manager ng Angat Hydro Electric Power Plant (AHEPP) ng Napocor na namamahala sa Angat Dam na matatagpuan sa Hilltop, Norzagaray, Bulacan.

    Ayon kay German, ang mga maling balita sa radyo at telebisyon mula noong Sabado ay naghatid ng pangama sa libo-libong Bulakenyo.

    Iginiit niya na dapat ay bineripika muna ng mga opisyal na nagpahayag sa radyo at telebisyon ang kanilang ipinalabas na balita.

    Matatandaan na noong Sabado, binuksan ng Angat Dam ang floodgates nila at nagpatapon ng kabuuang 500 cubic meters per second ng tubig upang hindi umapaw ang dam sanhi ng malakas na ulan na hatid ng bagyong Ondoy.

    Ilang oras bago magpatapon ng tubig ang Angat Dam, nagpahatid sila ng babala sa mga opisyal ng Bulacan tulad ni Gob. Joselito Mendoza na nakapanayam naman sa mga radyo at telebisyon.

    Ayon sa pahayag ni Mendoza sa DZRH radio, mula sa Angat Dam ang tubig na umapaw sa ilog ng Bocaue at Marilao.

    Sinundan pa ito ni Joe Taruc, isang beteranong broadcaster ng DZRH na nagsabing noong huling dekada 80 ay isang katulad na insidente ng pagpapatapon ng tubig ng Angat Dam ang naging sanhi ng pagbaha sa Marikina.

    Ang mga nasabing impormasyon ay naghatid naman ng pangamba sa mga Bulakenyo partikular na sa mga residente ng Sta. Maria, Bocaue, Marilao, Meycauayan City at Obando.

    “That’s outrageous,” ani German at sinabing hindi niya malaman kung saan hinugot ng opisyal ang beteranong broadcaster ang kanilang impormasyong ibinalita.

    Ipinaliwanag niya na ang tubig na unti-unting pinatapon ng Angat Dam noong Sabado ay makakaapekto lamang sa mga bayan na nasa gilid ng 50 kilometrong Angat River.

    Ito ay ang mga bayan ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Plaridel, Pulilan, Calumpit, Paombong at Hagonoy.

    Nilinaw din ni German na hindi konektado ang mga ilog ng Sta. Maria, Bocaue, Marilao, at Meycauayan City sa Angat River na pinadaluyan ng tubig ng Angat Dam.

    Kinumpirma naman ito ni Raul Agustin, special operations officer ng Provincial Disaster management Office (PDMO) ng Bulacan.

    Sinabi ni Agustin na noong 2006 ay tinalunton ng mga tauhan ng PDMO ang pinagmumulan ng Bocaue at Marilao river at natuklasan nila iyon ay nagmumula sa sa mga Lungsod ng San Jose Del Monte, Caloocan at Quezon.

    Binigyan diin niya na ang flash flood na muling naranasan sa mga bayan ng Bocaue at Marilao noong Sabado ay sanhi ng malakas na buhos ng ulan sa sa lungsod ng San Jose Del Monte kung saan ay mayroon silang rain gauge.

    Batay sa tala ng PDMO umabot sa 1,432 milimetro ng ulan ang nasahod sa kanilang rain gauge na matatagpuan sa Barangay Kaybanban, San Jose Del Monte City mula alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi noong Sabado.

    “Napakalakas talaga ng ulan sa area ng San Jose Del Monte that day kaya umapaw ang mga ilog doon at ng bumaba sa Bocaue at Marilao ay naging flash flood,” ani Agustin.

    Ang malakas na buhos ng ulan ay naranasan din sa Rodriguez, Rizal na matatagpuan sa silangang bahagi ng lungsod ng San Jose Del Monte, sa kabila lamang ng Bulacan-Rizal boundary.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here