Kontrobersya sa pagkakatatag ng Bulacan

    1253
    0
    SHARE
    Ipinagdiwang ng Bulacan ang ika-431 taong pagkakatatag bilang lalawigan noong Sabado, Agosto 15,ngunit isang kontrobersya ang nagpupumilit na talakayin.

    Ito ay ang lumabas na artikulo ng direktor ng Bahay Saliksikan ng Bulacan na si Dr. Agnes Crisostomo sa huling edisyon ng DB Magazine, isa sa mga publikasyon ng Bahay Saliksikan na pinondohan ng kapitolyo.

    Sa pahina 9 ng DB Magazine ay sinabi ni Dr. Crisostomo na “naging bahagi rin ng rehiyong Kapampangan ang Bulacan mula 1571 hanggang 1755, sa panahong ito’y hindi pa isang lalawigan at ang mga unang bayan ay siyang orihinal ng mga bayan ng noo’y Provincia de Pampanga.”

    Pansinin nating ang mga katagang “hindi pa isang lalawigan.” Alin kayang lalawigan ang tinutukoy ni Crisostomo sa bahaging iyon ng kanyang artikulo? Pampanga ba? Hindi. Dahil binanggit niya sa unang bahagi ng pangungusap na naging bahagi ng rehiyong Kapampangan ang Bulacan.

    Lumalabas, ang tinutukoy ng direktor ng Bahay Saliksikan ng Bulacan na “hindi pa isang lalawigan” ay ang dakilang lalawigan ng Bulacan.

    Malinaw din sa artikulo ni Crisostomo kung kailan hindi pa isang lalawigan ang Bulacan. Ito ay sa pagitan ng mga taong 1571 at 1755 o halos 200 taon.

    Ang artikulong ito ni Crisostomo ay taliwas sa resulta ng pananaliksik noong 2005 nina Dr. Jaime Veneracion at Propesor Reynaldo Naguit na kapwa kasapi ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan. Si Veneracion ay isa sa mga itinuturing na pangunahing historyador sa Bulacan, samantalang si Naguit ay ang direktor ng Bahay Saliksikan sa panahon ng kanilang pagsasaliksik ni Veneracion.

    Batay sa pananaliksik nina Veneracion at Naguit, ang Bulacan ay itinatag bilang isang lalawigan noong 1578. Ito ay batay sa mga cedulario na kanilang nadiskubre na nagsasaad ng “Provincia de Bulacan. Este pueblo se fundo el ano de 1578 con la advocacion de la Asuncion de Nuestra Senora y se halal y oy dia con 1,147 tributantes.” (Probinsiya ng Bulacan. Ang pueblong ito ay itinatag sa taong 1578 na may adbokasyon ng Mahal na Birhen ng Asuncion at matatagpuan dito ang 1,147 na nagbabayad ng buwis.)

    Ang resulta ng pananaliksik nina Veneracion at Naguit ay kinilala ng pamahalaang panglalawigan ng Bulacan kaya’t noong 2006 at binago ang administrative code ng kapitolyo, bukod pa sa pagdiriwang ng isanng buwang piyesta noon na sinimulan noong Agosto 15 hanggang Setyembre 15.

    Malinaw ang isinasaad ng pananaliksik nina Veneracion at Naguit na nagsasabing 1578 itinatag ang Bulacan bilang lalawigan. Ngunit ano naman ang sinasabi ng kasalukuyang direktor ng Bahay Saliksikan ng Bulacan na hindi pa ang lalawigan ang Bulacan sa pagitan ng 1571 at 1755?

    Wala sanang problema kung ipinaliwanag ni Crisostomo ang kanyang posisyon na hindi pa lalawigan ang Bulacan noong 1571 hanggang 1755. Subalit, wala siyang inilabas na batayan, o kaya ay dokumento na nagbibigay ng kredibilidad sa kanyang artikulo.

    Minsan ay naisulat ko na sa pitak na ito na ang mamamahayag at ang historyador ay maraming pagkakatulad. Kapwa sila bumabatay sa ebidensya, dokumento man o panayam sa mga taong itinuturing na otoridad sa paksang tinatalakay. Sa kawalan ng mga batayan, ang isang balitang sinulat ng isang mamamahayag, o isang pahayag hinggil sa kasaysayan, ay walang saysay. Ito ay nanatiling tsismis lamang.

    Sa puntong ito, hindi ko na tatanungin ang motibo ni Crisostomo sa pagsulat ng nasabing artikulo. Sa halip ay nais kong ipaliwanag niya ang kanyang posisyon.

    Kung sa palagay ni Crisostomo na siya ay binabatikos sa pitak na ito, nais kong ipabatid sa kanya na hindi ito isang pambabatikos. Ito ay isang paglilinaw.

    Bukod dito, dapat ding malinawan ni Crisostomona bilang direktor ng Bahay Saliksikan ng Bulaca, may pananagutan siya na timbangin ng buong linaw ang mga impormasyong kanilang ipinalalabas, partikular na sa DB Magazine na ang ginamit na salapi sa paglimbag ay mula sa pamahalaang panglalawigan ng Bulacan—mula sa buwis ng mga Bulakenyong patuloy sa pagbabata sa kahirapan ngunit patuloy na umaasa sa iyon ay mapapalitan ng matalinong impormasyon upang maisulit ang salaping kanilang ibinayad sa pamahalaan bilang buwis.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here