Mga kaganapan ay hindi malilimutan
Mula Lunes hanggang Biyernes
Kami’y puno ng pakikibaka at sadness.
Lunes pa lamang, si Cory ay ipinagpamisa
Empleyado’t opisyal ng kapitolyo’y nagkaisa.
Araw ng Martes, Bulakenyo’y di nakatiis
Sa SONA ng Pangulo’y nainis.
Sabi ng 14 sa 15 Bulakenyo
Hindi raw sila magogoyo
Kaunlarang ipinagmalaki’y kasinungalingan
Dahil daw patuloy ang kahirapan
Presyo ng bilihin di raw bumababa
Kaya’y mamamaya’y nakukuba
Kung hindi raw magtitiis sila’y matutumba
Dahil sa pamamahalang malatuba.
Sumunod na araw, Miyerkoles na kasiyasiya
Kinondena dalawang opisyal ng pulisya
Nanindigan Bulakenyong mamamahayag
Sa diwa ng malayang pamamahayag.
Hamak na mamamahayag inakusahan
Sangkot daw sa video karerehan
Na minsa’y inutos ni Gob na rendahan
Makina’y dinurog pa sa harap ng bayan.
Sabi ng mamamahayag walang basehan
Akusasyon sa kabaro’y patunayan
Operasyon ng video karera’y durugin
Hamak na mamamahayag ‘wag usigin.
Huwebes at Biyernes, pulis nag-alok ng peace talk
Pero mamamahayag tuloy ang himutok
Pangalan at krebilidad na kay tamis
Sinira ng akusasyong batay sa tsismis.
Sabi ng pulis handa silang mag-sorry
Akusasyon nila’y kulang sa pagsusuri
Ano ang halaga ng kanilang I’m sorry
Kung ang mamamahayag ay nagwo-worry.
Sabi pulis, akusasyon nila’y joke only
Pero mamamahayag di sanay sa joke only
Katotohanan lamang at pawang katotohanan
Sinumpaan para sa kabutihan ng bayan.
Bago matapos ang linggo, Tita Cory ay pumanaw
Nakiramay Luzon, Visayas hanggang Mindanao
Dinakila ang kanyang mga kontribusyon
Sa demokrasyang patuloy na hinahamon.
Ngunit para sa NUJP-Bulacan
Kontribusyon ni Cory ay hindi matatawaran
Malayang pamamahayag ay naibalik
Matapos ang batas militar na parang nagbabalik.
Kung hindi dahil kay Cory
Baka tayo’y nagbabali pa ng daliri
Salamat sa kanyang paninindigan
Tayo’y may kalayaang maasahan.
Huwag malungkot, o kaya’y masiphayo
Balang araw isa sa atin ay tatayo
Katulad ni Cory, pag-asa ang hatid ng tapang
Sa bayang lumubog at lumutang.