Regional Press Congress

    557
    0
    SHARE

    Matagumpay ang katatapos na 8th Regional Tertiary Press Congress na inorganisa ng Association of Tertiary School Paper Advisers in Region III (Atspar III), at isinagawa sa Sitio Lucia Resort and Hotel sa Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan noong Nobyembre 12-14.

    Umabot sa 213 ang kabataang mamamahayag na lumahok mula sa 26 colleges and universities sa Gitnang Luzon. Pero hindi sila lahat nanalo. Siyempre, sa kumpetisyon, survival of the fittest.



    Muling humakot ng parangal ang Pacesetter ng Bulacan State University (BulSU) sa Malolos at sila ang itinuring na over-all champion sa ikalawang sunod na taon.

    Kasunod nila ang The Guilds ng Bataan Peninsula State University (BPSU) main campus sa Lungsod ng Balanga; The Angelite ng Holy Angel University (HAU) sa Lungsod ng Angeles; The Industrialist ng Don Honorio Ventura College of Arts and Trades (DVHCAT) sa Bacolor; at Regina ng University of the Assumption (UA) sa Lungsod ng San Fernando.



    Masaya ang mga nagwagi. Pero alam ba nila kung bakit sila nagwagi? Malungkot naman ang mga natalo, pero di rin nila alam kung paano sila natalo.

    Ito ang trahedya sa isang kumpetisyon katulad ng inorganisa ng Atspar III dahil hindi malaman ng mga kalahok kung aling bahagi ng kanilang pagwawagi ang dapat nilang patuloy na pagyamanin, at kung aling bahagi na kanilang ikinatalo ang dapat paunlarin.



    Ang Regional Press Congress ng Atspar III ay may dalawang pangunahing kategorya: individual at group. Sa individual, kasama ang best in newswriting, opinion, editorial, sports, feature, poetry writing, photo journalism, editorial cartooning, literary graphic illustration, at comic strip drawing.

    Sa group category, kasama ang best page page design, newspage, editorial page, devcom page, sports, at features page.


    Sa individual, partikular na sa news, editorial, opinion and sports writing, kapansin-pansin na marami sa mga kalahok ang may kakulangan sa bokabularyo, bukod sa kulang sa kakayahan sa pagsusulat.

    Ito ay madaling maresolba. Kailangan lamang magbasa ng mga kabataang mamamahayag ng mga pahayagan, magazine at ba pang babasahin. Kaso kapag hindi nakagawian o hindi habit, mahihirapan.



    Walang kapalit ang pagbabasa. Sa larangan ng pamamahayag, ang hindi nagbabasa ay malamang maiwan.

    Simple lang gang dahilan. Hindi ka basta makapagsusulat kung hindi makapagbabasa.


    Ito ang isa sa mga disiplina ng pamamahayag dahil ang larangang ito ay highly competitive.
    Kung gusto mong makalamang sa kapwa mo mamamahayag, basahin mo ang lahat ng kanyang binabasa, at basahin mo rin ang lahat ng hindi niya binabasa.

    Ito ay upang magkaroon ka ng ideya kung ano ang susunod mong susulatin o kaya’y upang magkaroon ka ng sapat na kaalaman sa mga isyu na iyong susulatin.

    Aminin man o hindi ng mga beteranong mamamahayag ngayon, isa sa kanilang problema tuwing umaga ay kung anong istorya ang kanilang susulatin, o saan sila kukuha ng kanilang istroya. Pero kung tuwing umaga, sila’y nagbabasa ng pahayagan o nakikinig ng balita sa radio, wala sanang problema.


    Hinggil naman sa group categories sa nakaraang Regional Press Congress, kapansin-pansin ang paggamit ng mga kabataang mamamahayag na nagle-lay-out ng kanilang pahayagan ng napakaraming font.

    Bawat headline nila ay ibang font ang gamit. Kung mayroong paligsahan sa paramihan ng font na ginamit, malamang marami ang nag-tie sa mga lumahok.


    Ito ay bunsod na rin ng availability ng sari-saring font sa kanilang mga computer na gamit, bukod pa yung mga makukuha sa internet.

    Paalala sa mga lay-out artists ng pampaaralang pahayagan, hindi nakukuha sa paramihan ng font ang layout. Dapat na manatiling elegante at konserbatibo ang inyong pahayagan.


    May problema din ang ilang mga editor ng campus papers. Marami sa kanila ang walang banner headline sa mga inside page. Ito ay responsibilidad ng mga editor pilin ang mga istorya batay sa kanilang kahalagahan upang matulungan ang mga mambabasa kung alin ang unang babasahin.


    May mga campus papers din na nag-re-print ng mga istorya mula sa ibang pahayagan ngunit hindi ibinigay ang kredito sa pinagkunan.

    Isa pang paalala sa mga kabataang mamamahayag, hindi nakukuha ang kredibilidad sa pag-angkin ng sinulat ng iba. Bilang isang mamamahayag na ang laging sigaw ay transparency sa gobyerno man o pamunuan ng paaralan, dapat ay maging matapat din tayo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here