Prior restraint

    910
    0
    SHARE

    Umani ng pagbatikos mula sa ibat-ibat samahan ng mamamahayag ang kautusan ni PNP Jesus Versoza kung saan ay binabawalan ang mga mamamahayag na kumuha ng mga impormasyon sa mga police blotter kung walang permiso ng mga police commanders.

    Isa na naman iyang balakid sa malayang pamamahayag.  Prior restraint, wika nga.



    Ipinanukala naman ng ilang pulis na dapat daw ay dalawa ang police blotter, dahil baka daw magkamali ang mga reporter sa pag-uulat.

    May pangarap din pala silang maging mga editor.  Kailan pa naging responsibilidad ng mga pulis ang news management?



    Ang pagpapalabas ni Versoza ng nasabing memorandum hinggil sa pagbabawal sa media na kumuha ng balita sa mga blotter ay kasunod ng kontrobersya hinggil sa paglulusot ng limpak-limpak ng salapi ng mga tinaguriang “Euro Generals” sa immigration.

    Smoke screen ba ang mga isyu sa police blotter upang malayo ang usapan sa “Euro Generals?”  Hmmnn.



    Kung sabagay, hindi na dapat ipinalabas ni Versoza ang nasabing memorandum, dahil matagal ng itinatago ng mga pulis lalo na sa mga dulong bayan ang blotter book sa mga media.
    Naranasan ko ito as early as 2001 sa San Miguel at iba pang bayan sa Bulacan.  Mayroon daw confidential.  Sorry na lang kayo, iyon ang hanap ng media, kaso sa public document na police blotter ninyo itinala.



    Ano-ano ba ang mga confidential information na itiinatago ng mga pulis sa Bulacan sa kanilang blotter book as early as 2001?

    Siyempre, yung mga unresolved cases nila sa kanilang area of responsibility (AOR).  Sabi sa akin ng mga pulis noon, “hindi pa iyan naka-report sa kampo.”  At wala sila talagang i-report sa kampo, kasi kapag natala ang unresolved cases nila sa police journal sa Kampo Heneral Alejo Santos sa Malolos, baba ang grade nila sa crime solution efficiency at malamang matalo sa taunang paligsahan ng mga police station.



    Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit sa kabila ng mabulaklak na ulat ng pulisya na maganda ang peace and order sa Bulacan ay nananatili na mataas ang insidente ng kriminalidad.

    Lumalabas tuloy na ang taunang paligsahan ng mga police station na ang layunin ay mapataas ang antas ng paglaban sa kriminalidad sa Bulacan ay nagiging counterproductive.


    Isa rin siguro iyan sa mga dahilan kung bakit walang laman ang Ulat sa Lalawigan ni Gob. Jonjon Mendoza hinggil sa peace and order sa Bulacan na isinagawa noong Biyernes, Nobyembre 7.

    Ayon sa magazine na ipinalabas ng kapitolyo noon ding araw na iyon, ang mga nagawa ni Gob Jonjon sa unang 15 buwan ng panunungkulan patungkol sa kapayapaan at kaayusan sa Bulacan ay ang pagpapatuloy ng pagpapalakas sa 5 pillars of criminal justice system, pagbibigay ng pro-baton training at first aid training sa mga Barangay Tanod, pagsasagawa ng One Voice Summit on RA 9344 of Juvenile Welfare Act of 2006.


    Sa isang pahinang ulat hinggil sa peace ang order, walang binanggit na statistics si Gob Jonjon.

    Dahil kaya nananatiling unresolved ang mga high profile murder sa Bulacan tulad ng pagpaslang kina ex-Calumpit Mayor Ramon Pagdanganan noong Mayo 4; Engineer Constantino Pascual ng Rosemoor Mining and Development Corporation noong Hunyo 8; ex-Apalit Mayor Tirso Lacanilao na pinaslang sa Calumpit noong Hulyo 31; masaker ng isang pamilya sa San Jose Del Monte City; pamamaslang kay Konsehal Fidel Nacion ng San Rafael nitong Setyembre, at marami pang iba.


    Ang pag-uulat sa lalawigan tulad ng ginawa ni Gob. Jonjon ay isang responsibilidad ng nanunungkulan sa pamahalaan na naniniwala sa prinsipyo ng transparency at accountability.  Ito ay taliwas sa kautusan ni Versoza sa pulisya na huwag ipakita sa media ang police blotter.

    Kung nais naman ni Versoza ay mapanga-lagaan ang kredibilidad ng impormasyong iuulat ng media, dapat niyang hayaan ang media na mag-ulat.  Nakita na natin ang resulta ng pagbabalita ng gobyerno sa katauhan ni Gob.Mendoza—maraming kulang at dapat ipaliwanag.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here