Kanilang tinututulan ang pagtatayo ng tatawaging “Aeropolis” dahil sa maaapektuhan ang kanilang paghahanapbuhay bilang mangingisda at maging ang mga residente na tatamaan ng proyekto.
Ayon kay Guilbert Sebastian, pangulo ng samahan ng mangingisda ng Barangay Taliptip tutol sila sa proyekto dahil sa pitong sitio ng barangay ang tatamaan.
Nasa 450 na pamilya ang napipintong maaapektuhan hindi pa kasama dito ang hindi rehistradong mangingisda sa lugar.
Pangingisda sa dagat ang kanilang pangunahing hanapbuhay at dito rin sila kumukuha ng makakain ng kanilang pamilya at hindi na daw sila makakapangisda kapag itinayo na ang airport.
Nasa 3,000 ektarya aniya ang napapabalitang lawak na kakailanganin sa proyekto.
Iginiit pa niya na hindi lang kabuhayan sa pangisdaan ang apektado kundi pati ang mga panirahan sa lugar at sa oras na maisakatuparan ang proyekto ay tiyak hindi na sila makakapangisda pa doon.
Hindi sila tutol sa development ngunit kinakailangan nilang malaman ang kanilang katayuan sa proyekto kung saan sila ilulugar o kung mabibigyan ba sila ng relokasyon o hanapbuhay.
Mensahe niya sa gobyerno ay mabigyan sila ng kaayusan at pangkabuhayan.
Wala naman daw nakikipag- ugnayan sa kanila mula sa pamahalaan ng Bulakan kung kayat naglunsad sila ng pagkilos at humingi ng dayalogo sa kanilang punongbayan upang makakuha sila ng impormadyon at mailatag ang kanilang mga hinaing.
Nangangamba din sila na baka kung nakatayo na ang paliparan sa hindi na sila makapangisda at maglagay na ng “no fi shing zone” sa kapaligiran.
Ayon naman kay Avelino Valiente, OIC ng Sitio Bunutan ng Taliptip, ay siguradong mawawalan ng hanapbuhay ang mga mangingisda at tiyak na babahain pa lalo sa kanilang baranggay dahil mapuputol na ang mga puno na nagsisilbing pamigil sa tubig kung tumataas ang level nito.
Inuumpisahan na ang pagpuputol ng puno sa lugar ngunit ang mga naputol na kahoy ay nakakalat lamang sa ilog.
Hindi naman sila tutol sa kaunlaran ngunit malaman lamang nila kung saan lugar sila dadalhin.
Baha
Ayon naman sa residenteng si Francis Salita lalo silang babahain sa kanilang lugar kung matatayo ang paliparan dahil sa mga itatambak na lupa sa kailugan.
Ayon naman kay Engr. Val Concepcion, hepe ng municipal planning and development ng Bulakan, ay una pa lang na pag-usapan ang proposed project na ito nuong taong 2004 bago nagkaroon ng bilihan ng pribadong lupa ang unang sinabi ng kanilang alkalde sa Silver Tide na hindi pababayaan ang lahat ng nasa coastal area ng barangay.
May nakalaan naman na lugar sa paglilipatan ng mga maaapektuhan ng pagtatayo ng paliparan. Sa ngayon ay nasa soil testing pa lamang ang may hawak na ng proyekto sa kanilang bayan.
Umaasa naman sila na makakapasa ang kanilang lupa para sa proyekto ng mamumuhunan sa kanilang lugar.
Sa ngayon base sa kanilang pagkakaalam ay pasado na sa NEDA Board at endorsement na lamang ng Pangulo ang kailangan ngunit wala pa silang hawak na dokumento bilang patunay. Handa naman daw ang bayan ng Bulakan sa pag-unlad na ito.
Maglalagay naman daw ng coastal highway at hindi maapektuhan ang loob ng kakalsadahan ng Bulakan Nasa 60 porsiyento ng mga residente sa lugar ang kinakailangan na makapagtrabaho sa proyekto ayon na rin sa kanilang ordinansa.
Mensahe niya sa mga residente ay matagal na inasam na makuha ang proyektong ito at huwag silang mag-alala dahil hindi sila umano matutulad sa ibang proyekto na basta na lamang inaalis ang mga residente sa kanilang tirahan.
Sa pagkakataon na magsimula na ang proyekto ay walang pangamba at tiyak na magkakaroon daw sila ng isang bagong komunidad sa lugar.