Ayon kay Supt. Michael Jhon Riego, OIC ng Magalang PNP, binabalangkas na nila ang guidelines para sa mandatory drug testing bago makakuha ng clearance para makatulong sa kampanya kontra ilegal na droga. Kung walang dalang drug test result ay hindi makakakuha ng police clearance.
Ito ay para makatulong din aniya sa mga employer na hindi makapag-hire ng isang empleyado na gumagamit ng ilegal na droga.
Nirerepaso nila ang alituntunin para walang masagasaang karapatang pantao.
Ayon sa PNP ilalagay sa police clearance kung positibo o negatibo ang resulta ng drug test ng kumukuha nito.
Pinalagan naman ng Commission on Human Rights ang gagawing ito ng Magalang PNP. Ayon kay Atty. Jasmin Regino, director ng CHR Region 3, labag sa karapatang pantao ang mandatory drug testing.
Pinag-aaralan nilang mabuti ang nakasaad sa R.A 9165 upang makita ang lalalabaging na batas ng Magalang kapag ito’y ipinatupad nga.
Sakali aniyang ipatupad na ito sa Magalang ay magsasagawa ng imbestigasyon ang CHR.
Oras aniya na mahawakan nila ang mga dokumento na nagpapatunay at proseso na isinasagawa ng kapulisan ng Magalang agad nila itong papaimbistigahan.
Isa sa lalabagin ng PNP ay ang paglalagay sa police clearance na “positive” ang resulta ng drug test sa isang kumuha nito.
Sa umiiral na batas ay hindi kasama ang police clearance sa nangangailangan ng mandatory drug testing.