Ang mga kasong naitala ay katumbas na ng 251 porsiyentong pagtaas kumpara sa 1,342 na kaso noong 2014.
Sa pinakahuling tala ng Bulacan Health Office umakyat pa sa 12 ang namatay sa naturang sakit. Ang pinakahuling biktima ay isang 38-anyos na babae sa Barangay San Sebastian, Hagonoy, Bulacan.
Karamihan sa mga nabibiktima ay umeedad ng 11 hanggang 20 taong gulang.
Pinakamataas na kaso ay sa San Jose Del Monte na may 615 cases, nasundan naman sa mga bayan ng Santa Maria sa 409 cases, San Rafael sa 401, Bustos sa 329 at San Miguel sa 278 na mga kaso.
Kaugnay nito ay nagsagawa na ng blood donation ang Bulacan Provincial Health Office.
Sila ay nakalikom ng 200 bags mula sa ibat ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng PNP, TESDA, DepEd at local government.
Ayon kay Dr. Joy Gomez ang tagapamuno ng PHO, layunin ng blood donation na makalikom ng dugo na gagamitin sa mga posible pang mabiktima ng dengue matapos ang pag-ulan dala ng bagyong Kabayan.
Ayon sa talaan ng PHO, umakyat pa sa 300 kaso ng dengue ang naitatala sa Bulacan kada linggo at posibleng tumaas pa ito dahil sa pag-ulan.
Dahil dito ay karagdagang mga programa pa ang kanilang ginagawa kontra dengue.
Nauna nang nagdeklara na ng state of calamity sa Bulacan sa bisa ng Panlalawigang Kapasyahan Blg. 308-T’15, o ang “Kapasyahan na nagpapahayag na ang Bulacan ay nasa ilalim ng state of calamity upang matugunan aang paglaganap ng sakit na dengue sa lalawigan,” kung saan naglaan ang pamahaalang panlalawigan ng P39 million calamity fund para maiwasan na tumaas pa ang naturang kaso.