Tsunami drill sa Pampanga

    401
    0
    SHARE
    MASANTOL, Pampanga —– Nagsagawa ng joint school-community multi-hazard drill sa bayang ito bilang paghahanda sa Tsunami dulot ng lindol o storm surge dulot ng bagyo at ibat-ibang uri pa ng sakuna.

    Nagkaroon ng multi-hazard drill na binubuo ng earthquake, fire at tsunami na nilahukan ng 170 estudyante mula sa high school at 460 sa elementarya ng Tarik Soliman High School at Sapang Kawayan na nasa coastal area na sinasabing nasa panganib ng pagbaha, storm surge at tsunami.

    Ang programa ay pinagtulung-tulungan ng Pampanga Coastal Emergency Response, Bureau of Fire Pro – tection, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, Save the Children at iba pang miyembro ng komunidad.

    Umakto ang lahat ng lumahok na may tumamang 7.2 magnitude na lindol gaya ng sa pinangangambahang “the Big One,” na may mga bumigay at gumuhong mga gusali, sumiklab ang sunog at kasunod nito ay ang tsunami alert o ang pag-urong ng tubig na senyales nito.

    Ikinasa din sa drill ang worst case scenario na naganap ang malakas na paglindol at dumating ang tsunami ng hatinggabi, walang kuryente, kasagsagan ng bagyo at pagbaha upang masiguro ang physical at psychological preparation ng mga residente.

    Ayon kay Patrick John Clarin, program coordinator ng Save the Children, ito ay pagpapalakas sa mga grupo para sa disaster risk reduction at climate change adaptation na tumutuhog sa mga eskwelahan at pamayanan upang matulungan ang mga ito sa pagbuo ng disaster evacuation plan at contingency plan.

    Saad pa nito, sakop ng proyekto ang dalawang munisipyo ng Pampanga, ang Masantol at Minalin.

    Ang nasabing drill ay gagawin din sa 12 pang paaralan at barangay sa Masantol.

    Pahayag pa ni Clarin, plano rin nila na magkaroon ng expansion dahil batid nila na hindi lamang ang mga lugar na ito ang nangangailangan ng masusing paghahanda para sa sakuna.

    Aniya, sa ngayon ay nasa proseso pa lamang sila ng pagde-develop ng proposal para sa isa pang phase ng proyekto at kapag naaprubahan na, provincial level naman upang ma-cover nila ang buong Pampanga dahil hindi pa rin nila napuntahan at na-assess kung alin pang mga bahagi nito ang nangangailangan ng ganitong programa.

    Dagdag pa nito, pinondohan nila ng Korean International Cooperation Agency ang nasabing proyekto.

    Sa huling bahagi ng programa ay nagkaroon ng maikling feedbacking upang mapulsuhan kung gaano kaepektibo at kung ano-ano pa ang mga aspekto na nangangailangan ng improvement.

    Ilan sa mga napansing problema ay ang kakulangan sa mga rescuers kumpara sa bilang ng mga nakilahok, first aid kit, hirap sa komunikasyon dahil sa di magandang signal, at unidentified evacuation centers at iba pa na magsisilbing leksyon at paalala umano sa lahat ng residente.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here