Batong hugis rhino, leon nanganganib mawala

    388
    0
    SHARE
    NORZAGARAY, Bulacan —- Ang kakaibang rock formation na hugis rhinoceros at leon na matatagpuan sa Barangay Bigte dito ay sinasabing nanganganib nang mawala anumang araw.

    Sa katunayan, nitong Linggo ay isinara na sa publiko ang mga batong binansagang Rhino Rock at Lioness Rock.

    Ayon kay Norzagaray Councilor Florinio Saplala, Jr., sakop daw kasi ng 24 ektarya mining site ng kumpanyang Spar Devt. Co. Inc. ang naturang mga bato at ito ay pribado kayat isinara na sa publiko. Nanganganib na rin aniyang mawala ang mga ito kapag minina na ng Spar.

    Dahil dito, balak magpasa ng Sangguniang Bayan ng Norzagaray ng isang resolusyon na hihiling sa DENR na huwag nang maisama sa Mineral Production Sharing Agreement o MPSA ang dalawang mga bato.

    Nais daw nilang maprotektahan ito at ideklara na lamang na isang tourism site dahil sa dinarayo na ito ng mga turista.

    Samantala, tutol din ang grupong Pinoy Mountaineers na isara sa publiko ang dalawang higanteng bato na ito. Panawagan din nila na mapreserba ang kakaibang rock formation na ito.

    Makikipag-ugnayan daw sila sa lokal na pamahalaan ng Norzagaray at ibat ibang ahensya ng pamahalaan para maisulong ang pagpreserba sa mga tinaguriang Rhino at Lioness rocks.

    Hanggang sa kasalukuyan ay sinisikap pa ng PUNTO na makuhanan ng pahayag ang Spar hinggil sa nasabing usapin.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here