PLARIDEL, Bulacan —- Arestado ang 32 katao kabilang ang isang naka-wheel chair sa isinagawang raid sa hinihinalang shabu tiangge sa Sitio Dike, Barangay Banga 2nd sa bayang ito Huwebes ng umaga.
Ang raid sa pitong bahay ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inilabas ni Bulacan RTC Branch 11 Judge Basilio Gabo, Jr. dahil sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act 2002. Alas-6 pa lang ng umaga nang salakayin ng mgaoperatiba ng Plaridel PNP ang nasabing lugar kung saan nasakote ang kababaihan at kalalakihan na nasa 32 katao na kinabilangan ng isang lalaking naka-wheel chair.
Narekober mula sa mga suspek ang 45 gramo ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, tatlong digital weighing scale, gun replica ng .22 at M-16 rifle, mga gulok at itak. Ayon sa ulat, matagal nangminamanman ang nasabing lugar kung saan talamak ang bentahan ng shabu.
Itinatanggi naman ng mga naaresto ang kanilang involvement sa illegal na droga. Ayon kay Jhony Inocencio alyas Jun Lumpo, walang katotohanan ang ibinibintang sa kanila. Aminado naman si Esperanza Marcelo na gumagamit sya ng ilegal na droga ngunit hindi daw siya nagbebenta nito.
Ang mga naaresto ay nasa kustodiya ngayon ng Plaridel PNP. Ito na ang ikalawang raid ng kapulisan sa naturang bayan laban sa shabu tiangge. Batay sa ulat, Marso ng 2013 nang salakayin din ng kapulisan ang Banga 1st sa naturang bayan.