UPANG MAKAUNA SA PILA SA PCSO
    Pasyenteng humihingi ng tulong, sa kalsada kumakain, natutulog

    432
    0
    SHARE

    Sila ay ilan lamang sa mga pasyenteng pumipila sa labas ng tanggapan ng PCSO sa Angeles City upang humingi ng tulong.

    KUHA NI ROMMEL RAMOS NI ROMMEL RAMOS

    ANGELES CITY
    —Pagkatapos ng kanyang dialysis session sa isang pagamutan, ay sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa lungsod na ito tumutuloy si Pilar Pabalan ng bayan ng Arayat.

    Ito ay upang matiyak niya na maipoproseso ang kanyang papeles sa hinihinging tulong para sa kanyang susunod na pagpapa-dialiysis. Si Pabalan ay isa lamang sa dumaraming pasyente na pumipila sa labas ng tanggapan ng PCSO sa lungsod na ito.

    Masasabing itinuring na nilang tahanan ang gilid ng kalasada sa labas ng nasabing tanggapan dahil doon na sila kumakain at natutulog. Ang totoo, si Pabalan ay sa tricycle na natutulog, samantalang ang kanyang kalagayan bilang isang dialysis patient ay nangangailangan ng mas maayos na pahingahan.

    Ayon kay Maria Lourdes Soliman, branch manager ng PCSO sa lungsod na ito, ang pagdami ng pasyenteng pumipila sa labas ng kanilang tanggapan ay nagsimula noong nakaraang taon bunga ng polisiya sa decentralization ipinatupad ng PCSO.

    Nakapaloob sa nasabing polisiya na ang pagpoproseso sa mga aplikasyon at kahilingan ng mga humihingi ng tuloy ay isasagawa na sa lalawigan kung saan mayroon tanggapan ang PCSO. Ito ay inayunan ng pasyenteng si Jaime Ocampo ng Pulong Masle sa bayan ng Guagua na nagsabing dati ay madali lamang ang proseso sa paghingi nila ng tulong sa PCSO main office kubg saan sila noon nagtutungo.

    Ayon kay Soliman, “hindi namin gusto na may natutulog sa kalsada.” Iginiit pa niya na maging sila mismo sa loob ng tanggapan ay hindi na rin natutulog. Ito ay dahil sa patuloy na pagdagsa ng bilang ng mga pasyenteng humihingi ng tulong sa kanila. Ang problema ay ang kakulangan ng PCSO ng sapat na bilang ng tauhan partikular na ang social worker.

    Sa kasalukuyan, sinabi ni Soliman na nag-iisa lamang ang kanilang social worker. Ipinaliwanag niya na ang isang kaso ng pasyente ay kayang iproseso ng isang social worker sa loob lamang ng 20 hanggang 30 minuto. Ngunit patuloy ang pagdami ng pasyente, bukod pa sa muling nagsisibalik ang ibang pasyente na kanilang natulungan na humihingi ng karagdagang tulong.

    Ang pagbabalik ng pasyente sa tanggapan ng PCSO ay bunsod na rin ng kakulangan sa pananalapi na pantustos sa kanilang patuloy na pagpapagamot. “Kailangan ko pong magtiyaga na pumila para maaganapan yung ibibigay na numero ng PSCO,” ang naluluhang pahayag ni Pabalan.

    Sinabi niya na Biyernes pa lamang ng gabi ay pumipila na siya upang maagapan ang numerong ibibigay ng PSCO para sa susunod na linggo. Ang pagpoproseso ng papeles ay karaniwang nagsisimula kung araw ng Lunes.

    Ngunit sa kabila ng pagsisikap ng PCSO na mapabilis ang pagpoproseso ay marami pa rin ang hindi napagbibigyan. Kabilang dito si Jesus Batac ng Barangay San Roque Dau sa bayan ng Lubao na nagsabing “isang buwan na kami sa pila ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin umuusad.”

    Dahil sa kalagayang ito,nananawagan si Soliman para sa karagdagang manpower na itatalaga sa PCSO sa lungsod na ito dahil lumalabas daw ang kanilang operasyon ay pang-rehiyon. Ito ay dahil mgaging mga taga-ibang bayan at lalawigan ay lumalapit din sa kanila.

    Binanggit din niya na limitado rin ang pondo ng kanilang tanggapan sa araw araw na umaabot lamang sa P250,000 bawat araw. Dahil dito, iginiit din ni Soliman na dagdagan sila ng ayuda mula sa PCSO main office upang higit ma marami ang kanilang mabigyan ng tulong.

    Gayunpaman ay ginagawa naman daw nila ang kanilang makakaya upang matulungan at mapagserbisyuhan ang mga humihingi sa kanila ng tulong.

    Kapag Lunes ng umaga sila nagpapamahagi ng numero para sa mga humihingi ng tulong kayat kung weekend ay nagsisidagsaan na ang mga ito upang makakuha ng mga numero na hindi naman daw nila mapigilan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here