‘Forensic’ isinagawa ng NBI

    347
    0
    SHARE

    CITY OF SAN FERNANDO — Nagsagawa ng forensic examination kamakalawa ang mga chemist ng National Bureau of Investigation (NBI) sa crime scene ng naganap na pagpatay sa pito katao sa loob ng Edejer residence sa Barangay Telabastagan sa lungsod na ito.

    Ito na ang ikalawang araw ng pagbisita ng NBI sa crime scene kaugnay ng kanilang isinasagawang parallel investigation sa nasabing kaso. Sa pangangalap ng mga ebidensya, inuna ng NBI ang lugar kung saan napatay ang mag-amang sina Nolan Kenneth Edejer, Nicolas Edejer at sina Morena Osias, Nelson Dominico at Benigno Ingar.

    Kasunod naman ay ang kubo kung saan napatay si Tess Lansangan Camiling at ang huli ang lugar kung saan napatay si Corazon Edejer.

    Maging ang kulay itim na pick up na ginamit bilang getaway vehicle ng mga suspek ay sinuri din sa pagasang makakuha ng mga ebidensya.

    Sa ngayon ay hindi pa daw magbibigay ng official na pahayag ang NBI kaugnay ng kanilang isinasagawang imbestigasyon. Paglipas daw ng mga ilang araw ay kanila namang ilalabas sa media ang resulta ng kanilang imbestigasyon.

    Kaugna nito, blangko pa rin ang mga kaanak ng mga biktima sa motibo ng krimen at pagkakakilanlan ng mga suspek. Samantala, sinabi ni VACC chief coordinator Rosita Roque, nais nilang matulungan ang pamilya Edejer kayat nakipag-ugnayan sila sa NBI.

    Nakahanda din daw ang mga kaanak ng Edejer na magbigay ng P2M na pabuya para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon para sa ikalulutas ng krimen.

    Sa ngayon ay aalalay daw ang VACC sa pamilya hanggang sa malutas ang nasabing kaso lalo na sa dalawang naulila ng mga Edejer. Dumating naman sa bahay ng Edejer ang mga kapatid ni Morena Osias, habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang NBI kamakalawa.

    Hindi nila maiwasan na maluha ng makita nila ang crime scene na nagkalat pa ang mga dugo. Hindi pa daw nila matanggap hanggang sa ngayon ang pangyayari. Natutuwa daw sila sa ginawang imbestigasyon ng NBI upang agad na malutas ang krimen.

    Naluluha lamang na mensahe nila sa mga salarin na makunsensya sa ginawang pagpatay ng walang kalaban laban sa kanilang kapatid.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here