Home Opinion ako’y isang matayog na puno

ako’y isang matayog na puno

2420
0
SHARE

ako ay matayog at tinitingala,

may dahong mayabong, matibay na sanga,

malakas mang hangin, di kayang itumba,

at kayang pigilin, matinding pagbaha.

 

sa aking kandungan, ibo’y sumisilong,

may naglalambingan, at pasipul-sipol,

kawangki’y musikang indayog ng dahon,

kaysarap pakinggan, hanggang dapithapon.

 

mga kauri ko, halos magkadikit,

pag bagyo’y dumating, kami’y magkakapit,

kanlungan ng hayop, sa init, taglamig,

wari’y paraiso, masaya’t tahimik.

 

sa iba pang dako’y lagaslas ng tubig,

mula sa ‘sang talon, pagbagsak mabilis,

ang ilalim naman, mababaw na batis,

dito naglulunoy, hayop sa paligid.

 

nguni’t may nilikhang gahaman sa pilak,

gagawin ang lahat, labag man sa batas,

gawing panunuhol, sa ahensyang korap,

ang mga papeles, pawang mga huwad.

 

pananahimik ko, biglang ginambala,

matalim na bagay, sa ‘kiy tumama,

sa bawa’t pagdampi, ako’y hinihiwa,

ilang minuto lang, babagsak sa lupa.

 

malakas na hiyaw, aking naririnig, 

tila ‘sang tagumpay, ang kanyang nakamit,

subali’t ang bukas, hindi nababatid,

ang kanyang ginawa, bayan ang tatangis.

 

ganito sinapit, maging katabi ko,

sa pagkakatistis, naiwa’y piraso,

mayro’n paring ugat, wala na ang puno,

may silbi pa ba, tanda na lang ito.

 

ibong lumilipad, sa kanyang paglakbay,

wala ng makita, na kanyang tuntungan,

gumagalang hayop, ‘la ring masilungan, 

ang init at lamig, ay mararamdaman.

 

ang malakas na ulan, may buhos ng tubig,

dati’y kabundukan, kanyang nasisipsip,

walang mga punong laging sumasagip,

panlaban sa baha, sa bawat paligid.

 

at ngayo’y tabas na, akong dating puno,

paggawa ng bahay, maging mga pinto,

pundasyong matibay, upuang antigo,

di rin maliligtas, sa baha ng bagyo.

 

ako rin ay biktima, ng mga gahaman,

mulang pagkaputol, sa paggagamitan,

kung sana’y buhay pa, di mararanasan,

ako bilang puno’t kayong mamamayan.

 

baha, baha, baha, sino ang may gawa?

taon-taon na lang, hindi masansala,

pondong nakalaan, at na bale wala,

iilang may poder, ang pinagpapala.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here