Bulacan OFW kabilang sa 22 nasawi sa Saudi blast

    571
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Hindi makapaniwala ang maybahay ng Bulakenyong overseas Filipino worker (OFW) na kabilang ang kanyang asawa sa 22 kataong nasawi sa pagsabog ng isang fuel truck sa Riyadh, Saudi Arabia kamakalawa.

    Ayon sa mga ulat, kinilala ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang OFW na si Florentino Santiago na isa sa mga nasawi kung saan ay mahigit 100 pa ang nasugatan.

    Ayon kay Jocelyn Santiago, maybahay ng biktima, hindi siya makapaniwala sa pangyayari dahil ilang oras bago iyon maganap ay nagkausap pa sila sa telepono.

    Ilang minuto lamang silang nagkausap, ngunit ayon kay Jocelyn masaya at kampante ang tinig ng kanyang asawa.
    Si Florentino ay nagsimulang magtrabaho sa kumpanyang Zahid Heanor sa Saudi noong 2008.

    Nitong Marso siya ay umuwi sa Barangay Malibong Bata sa Pandi, Bulacan  at nagbalik sa trabaho noong Abril.

    Nitong Huwebes, nakatanggap ng tawag mula sa mga kasama sa trabaho si Jocelyn at noon niya nalaman ang sinapit ng kanyang asawa.

    “Sabi nila mga 200 meters ang layo nung kinalalagyan ng asawa ko sa pagsabog,” sabi ni Jocelyn at binanggit na nagpapahinga sa trak ang kanyang asawa nang maganap ang pagsabog.

    Sa kasalukuyan, sinabi ni Jocelyn na hindi niya malaman kung paano itataguyod ang pag-aaral ng kanyang dalawang anak na ang panganay ay may edad 15 at ang bunso ay limang taong gulang pa lamang.

    Nanawagan din siya sa pamahalaan para sa mabilisang repatriyasyon ng katawan ng kanyang asawa na balak niyang ilibing sa bayan ng Pandi.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here