NORZAGARAY, Bulacan—Ikinatuwa ni Manny Cruz ang nakausling bakal sa lupa sa kabundukan ng Ipo Dam watershed noong Biyernes, Mayo 25.
Ngunit ang kanyang kasiyahan ay agad na napawi at napalitan ng takot nang kanyang kulkulin ang lupa sa gilid ng nakausling bakal.
Ito ay dahil hindi basta bakal ang nakita ni Cruz na isang katutubong Dumagat at kasapi ng Bantay Kalikasan na siyang nangangalaga sa Ipo dam watershed.
Ang nakausling bakal na nakita’t kinulkol ni Cruz ay isa sa 22 lumang bomba na ayon sa 56th Infantry Batallion ng Philippine Army ay mapanganib at posibleng sumabog.
Dahil sa takot, agad na ipinabatid ni Cruz sa 56th IB ang natuklasan, at agad namang kumilos ang mga sundalo.
Sa paggalugad ng mga sundalo sa lugar na kinatagpuan ni Cruz sa bomba, nakakuha pa sila ng 18 Japanese type fragmentation grenade, isang 81 millimeter na mortar, at dalawa pang 76 millimeter na high explosives.
Ang mga nasabing bomba ay kasalukuyang nasa kustodiya ng 56th IB at ayon kay 1st Lt. Shem Catipunan, at pasasabugin din nila ito.
Ngunit tiniyak niya na ang pagpapasabog ay malayo sa dam upang hindi ito makaapekto sa mga istraktura.
Bukod dito, sinabi ni Catipunan na ang mga bomba ay sensitibo sa init at maging sa pag-kalog na maaaring maging sanhin ang pagsabog ng mga ito.
Kaugnay nito, sinabi ng ilang historyador na ang mga bomba ay palatandaan lamang ng pagiging makasaysayan ng Norzagaray kung saan ay naitala ang ilang madudugong laban sa panahon ng digmaan.
Sa unang panayam, sinabi ni Konsehal Arthur Legazpi na ang bahagi ng Ipo Dam ay isa sa mga lugar sa Norzagaray kung saan nagkaroon ng madugong labanan sa pagitan ng gerilyang Pilipino at mga sundalong Hapon.
Bukod dito, sinabi niya na ang maraming lugar sa nasabing bayan ang naging kanlungan ng mga maghihimagsik sa Pilipino katulad ng kuweba ng Pinag-realan na matatagpuan sa Barangay Bigte.