Estudyante patay sa gang war, 1 sugatan

    582
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Isang estudyante ang napatay at isa pa ang nasugatan matapos ang sinasabing gang war sa Marcelo H. Del Pilar National High School (MHDPNHS) sa lungsod na ito kamakalawa.

    Ang insidente ay umani ng pagkondena sa mga mag-aaral at alumni ng MHDPNHS, ang pinakamalaking paaralan sa Central Luzon na may populasyong higit sa 10,000 estudyante.

    Ang biktima ay nakilalang si Jericho Fuellas, 14, third year student at nakatira sa Barangay Longos ng lungsod na ito.

    Si Fuellas ay napatay ng isang kapwa estudyante na 16-anyos ngunit pansamantalang ikinubli ng pulisya ang pangalan dahil sa pagiging menor de edad.

    Ang nasabing suspek ay isinuko ng kanyang pamilya matapos ang insidente, at kasalukuyang nasa kustodiya ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

    Isa pang estudyante ang nasugatan sa insidente at nakilala sa pangalang Kim Jun Perez, 17.

    Ayon kay Supt. David Poklay, hepe ng pulisya ng Malolos, ang insidente ay naganap bandang alas-4 ng hapon sa Building B, Room 228 ng MHDPNHS.

    Sinabi ni Poklay na ang biktima at mga kaklase ay nasa room 228 at hinihintay ang kanilang guro ng sugurin ng 16 anyos na suspek at mga kasama nito.

    Sumaklolo rin ang mga kaibigan ng biktima ngunit siya ay nasaksak na ng hindi pa natutukoy na patalim.

    Ayon kay Poklay, ang insidente ay nagmula dahil sa isang estudyanteng babae, ngunit ayon sa mga mag-aaral, ito ay isang gang war.

    Iginiit ni Poklay na walang ebidensiya ng pagkakasangkot ng gang dahil personal ang alitan; ngunit sa Facebook Group ng mga mag-aaral at alumni ng MHDPNHS kinondena nila ang karahasan ng mga gang sa paaralan.

    Pinagkumpara din nila ang pagkakaiba ng isang gang sa fraternity.

    Isa sa mga mag-aaral ang nagsabi na ang suspek ay kasapi ng TBS gang, at ang biktima ay kasama ng grupong Mafia Creeps.

    Samantala, tiniyak naman ni Ramel Fuellas, tiyuhin ng biktima na magsasampa sila ng kaso laban sa suspek upang mabigyang katarungan ang pagpatay sa pamangkin.

    Ni Rommel Ramos at Dino Balabo

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here