Mga insidente ng carnapping, wala na daw kinalaman sa mga Dominguez

    393
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY—Imposible na daw na maiugnay pa sa magkapatid na Raymond at Roger Dominguez ang mga insidente ng carnapping at pagpatay sa isang carnapped victim sa Bulacan.

    Ito ang pahayag ni Atty. Jose Cruz, abogado ng mga Dominguez, sa isang exclusive interview ng Punto kamakalawa.

    Ayon kay Cruz, nakakulong na at hindi naman nakalalaya ang kanyang mga kliyente kayat imposible nang maiugnay sa mga ito ang mga nasabing krimen sa Bulacan.

    Aniya, maari namang silipin sa bilangguan ang magkapatid kung nakalalabas nga daw ang mga ito at maiugnay pa sa mga krimen.

    Kung may remnants man daw ang grupong ito ay tiyak na baklas na ito matapos makulong ang magkapatid.

    At kung mayroon man aniyang remnants na nagtatrabaho pa sa carnapping ay umaakto na daw ang mga ito sa sarili nila.

    Mahirap aniya na maestablish ang komunikasyon sa loob ng bilangguan dahil sa higpit ng pagpapatupad ng seguridad dito.

    Aniya, ang insidente ng pamamaril kay Cristina Roxas noong nakaraang Linggo matapos dumalo sa pagdinig sa reklamo nito laban kay Raymond Dominguez ay maituturing na bad coincident lamang daw.

    Nakalulungkot aniya at nakikiramay siya sa pamilya ng pinatay ngunit tinitiyak daw niyang wala nang kinalaman dito ang magkapatid.

    Ni hindi nga daw nakikita ni Raymond ang kanyang complainant na pinaslang.

    Hindi naman daw kasi natuloy ang pagdinig bago paslangin si Roxas at hindi naman daw nag-abot ang dalawa sa korte.

    Aniya, hindi dapat matakot ang mga nagsampa ng reklamo sa magkapatid na Dominguez ng dahil lamang sa pangyayaring ito.

    Wala din aniyang kinalaman sina Raymond at Roger sa pagtangay ng SUV sa Meycauyan at mga napatay sa shootout sa Meycauyan.

    Mula sa 14 ay walong kaso na lamang daw ang natitirang hawak niya sa mga Dominguez.

    Marami na din daw kasi ang natapos sa pagdinig at may mga kaso naman na nadismiss na dahil sa hindi naman na-identify sa korte ang kanyang mga kliyente.

    Mensahe niya sa mga complainant ng kanyang mga kliyente na hindi dapat matakot dahil sa mga insidenteng ito dahil sa aniya ay wala ng kinalaman dito ang magkapatid na Dominguez.

    Dapat lamang daw na ituloy pa rin ang pagdinig sa mga isinampang reklamo laban sa kanyang mga kliyente upang sa gayon ay lumabas ang katotohanan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here