Total ban sa paputok tinutulan ng PPMDAI

    406
    0
    SHARE

    GUIGUINTO, Bulacan – Lumang tugtugin na ang panawagan ng Department of Health (DOH) na total ban sa paggamit ng mga paputok.

    Ito ang pahayag ni Celso Cruz, ang president emeritus ng Philippine Pyrotechnic Manufacturers and Dealers Inc. (PPMDAI).

    Ayon kay Cruz, may sampung taon na ring paulit-ulit ang ganitong panawagan ngunit wala namang kinahihinatnan.

    Bukod dito, maging sa panahon ng martial law ay hindi napatigil ng gobyerno ang paggamit ng paputok sa pagsalubong sa bagong taon.

    Iginiit ni Cruz na isang tradisyon na sa bansa ang paggamit ng paputok sa tuwing sasapit ang bagong taon kayat sa halip na isulong ang total ban nito ay dapat isaayos na lamang ang sistema ng paggawa, pagbebenta at paggamit ng paputok.

    Sa katunayan nga aniya ay isinusulong ng PPMDAI ang bagong IRR o Implementing Rules and Regulation ng Republic Act 7183 o firecracker law.

    “Mas makakatulong ito sa ligtas na pagpaputok kaysa ipagbawal,” aniya.

    Sinabi ni Cruz na kung total ban sa paggamit ng paputok ang patuloy na isusulong ng DOH, ito ay tiyak  na magpapataas ng insidente ng pagkasugat dahil sa palihim na bentahan at paggamit nito.

    Hinggil sa panukala ng DOH na maglagay ng common area sa bansa para sa fireworks display ay hindi rin kakagatin ng mga Pinoy.

    Ayon kay Cruz, likas sa mga Pinoy ang sama-sama sa kanya-kanyang mga bahay sa tuwing sasapit ang Bagong Taon kayat sa bahay pa rin ang mga ito magpapaputok.

    Kung titignan nga aniya ang talaan ng mga firecracker related incidents ngayong taon ay bumaba pa ito na patunay lamang aniya na namumulat na ang publiko sa tamang paggamit ng mga paputok.

    Sa halip aniyang manawagan si Sec. Enrique Ona ng total ban sa mga paputok ay dapat lamang na makipagtulungan ito para sa mas tama at ligtas na pagpapaputok.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here