LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nakikita at nararamdaman sa bawat mga proyekto at programa ng pamahalaang nasyonal ang resulta ng matagumpay na pakikipagdiplomasya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pandaigdigang entablado.
Iyan ang tinuran ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Maria Theresa Dizon-Vega nang pangunahan niya ang Handog ng Pangulo caravan sa Bulacan kaugnay ng pagdiriwang ng Ika-69 Taong Kaarawan ni PBBM.
Binigyang diin niya na kung susuriin, nakatulong nang husto ang mga opisyal na biyahe ng pangulo sa ibang bansa upang isulong na mapalakas pa ang pakikipagtulungan ng bansa sa larangan ng trade, investments, climate change adaptation, disaster risk reduction at mga larangan na may direktang pakinabang ang mga mamamayan.
Sinasalamin aniya ito ng mga pinagsama-samang mga serbisyo at proyekto na hinatid ng Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat caravan.
Aabot sa halagang P86.17 milyon ang naibabang mga proyekto sa Bulacan na direktang pakikinabangan ng mga magsasaka, mangingisda, mga kabataang mag-aaral sa kolehiyo, mga naghahanap ng trabaho, maliliit na negosyante at mga karaniwang pamilyang Bulakenyo.
Para sa mga maliliit na negosyante, dinala ng Department of Trade and Industry ang kanilang Negosyo Center upang magbigay ng pag-alalay sa mga maliliit na negosyante at sa mga nais magbukas ng mga bagong negosyo.
Mapapakinabangan nila ang mga free trade agreements na pinasok ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Pinakabago rito ang bagong lagda na mga Comprehensive Economic Partnership Agreement ng Pilipinas sa United Arab Emirates at sa Chile.
Naratipikahan na rin sa pasimula ng administrasyong ito ang Philippines-Korea Free Trade Agreement at ang Regional Comprehensive Economic Partnership na pinakamalaking trade agreement ngayon sa Asia-Pacific region.
Sa larangan ng agrikultura, anim na farmers association and cooperatives ang nabiyayaan ng Department of Agriculture na mga bagong makinarya na gawa sa Japan. Nasa 11 na mga grupo pa rin ng mga magsasaka ang pinagkalooban ng shallow-tube wells bilang bahagi ng paghahanda sa panibagong El Niño na isang epekto ng Climate Change.
Ayon kay Provincial Agriculture Office head Gloria Carillo, iba pa rito ang mga farm inputs sa mga maggugulay at karagdagang mga kagamitan para sa mga mangingisda.
Nananatiling kabilang sa mga prayoridad na sektor sa Bulacan ang mga mangingisda upang matiyak ang magandang klase at malaking produksiyon na uubrang mailuwas sa pandaigdigang merkado.

Sa tala ng DFA, kabilang sa mga may bilateral agricultural agreement ang Pilipinas ay sa bansang Japan kung saan malaking porsiyento ang exports sa larangan ng seafood sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement.
Mayroon ding kasunduan sa Laos at Cambodia para sa kalakalan sa gulay.
Iba pa rito ang ugnayan sa Egypt para sa pataba, agri-fisheries deal sa Brunei, at mga tulong para maiangat ang antas ng agribusiness sa bansa sa pamamagitan ng Food for Progress program ng United States Department of Agriculture.
Kaugnay ng pagsasaka, sampung mga Bulakenyo naman ang ngayo’y nagmamay-ari na ng lupang kanilang sinasaka sa pagkakatanggap nila ng Certificate of Land Ownership Award mula sa Department of Agrarian Reform.
Ito’y sa ilalim ng patuloy na pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program extension with reform.
Pangunahing katuwang ng Pilipinas sa pagpapatupad ng agrarian reform ang World Bank, International Fund for Agricultural Development, Asian Development Bank, at World Food Programme.
Para naman sa mga kabataan, naging pagkakataon ang kaarawan ni Pangulong Marcos upang pormal na ipagkaloob ng Commission on Higher Education ang halagang P60.9 milyon ng Tertiary Education Subsidy para sa mga kwalipikadong mag-aaral sa Bulacan State University at Baliwag Polytechnic College.
Iba pa rito ang patuloy na pagkakaloob ng mga starting kits ng Technical Education and Skills Development Authority na sumailalim sa iba’t ibang training for work.
Samantala, kasabay ng pagkakaloob ng mga pangunahing mga biyayang ito na naisakatuparan sa tulong ng pakikipagdiplomasya ni Pangulong Marcos, patuloy na nagbigay ng serbisyo ang iba pang mga programa ng pangulo.
Kabilang dito ang pagdadaos ng Kadiwa ng Pangulo na nagtinda ng P20 kada kilo ng magagandang klase ng bigas, Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP ng Philippine Health Insurance Corporation na nagkakaloob ng libreng check-up at suplay ng isang taon na gamot at pamamahagi ng tig-P10 kilo ng Bigas para sa mga prayoridad na sektor sa Malolos na pinondohan ng Local Government Support Fund. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



