LUNGSOD NG MALOLOS – Timbog ang dalawang suspek sa pananambang sa isang kapitan ng bayan ng San Miguel at kanyang maybahay na kapwa naman nakaligtas.
Ang mga suspek ay kinilala ni Supt. Marcos Rivero, hepe ng pulisya ng San Miguel na sina Edwin Torres y Cruz, 34, binata, residente ng Barangay Balite; at Pablo Javier y Ortiz, 34, residente ng Barangay Biclat, kapwa taga-San Miguel.
Ang dalawa ay nadakip ng pulisya matapos mahuli ang isa sa mga ito habang nagtatago sa kanal ng National Irrigation Administration sa Barangay Sapang ng naturang bayan.
Ang mga biktima naman na himalang nakaligtas ay sina Severino Macapagal, kapitan ng Barangay Sapang na tinamaan sa kanang bahagi ng katawan at kanyang maybahay na si Celerina.
Ang kapitan ay agad na isinugod sa isang pagamutan sa kalapit na lalawigan ng Nueva Ecija.
Batay sa ulat ni Rivero, pauwi na ng Sapang ang mag-asawa ng paulanan ng dalawang suspek ng bala ang ambulansyang may plakang RGX 579 na minamaneho ni Macapagal kung saan nakasakay din ang kanyang maybahay.
Ayon kay Celerina, nakasalubong nila sa Barangay Buga ang dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo, at agad silang binuntutan nito.
Dahil dito, pinabilis ng kapitan ng pagmamaneho sa ambulansiya upang makaiwas, samantalang si Celerina ay nagsiksik sa sahig ng ambulansya.
Dahil may dala ring baril si kapitan, gumanti ito ng putok sa dalawang suspek at tinamaan sa kamay si Torres.
Ayon kay Rivero, isinugod naman sa Bulacan Medical Center sa Malolos si Torres na nabaril matapos itong madakip ng pulisya.
Sinabi pa ni Rivero na ang suspek na si Javier na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya ay isang dating sundalo.
Nakumpiska ng pulisya ang isang Glock pistol mula kay Javier, at nakuha ang ilang basyo ng 9MM sa pinangyarihan ng krimen.