Lalake nasobrahan sa droga, patay

    561
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MEYCAUYAN – Drug overdose. Ito ang nakikitang dahilan ng pagkamatay ng isang lalake dito kamakailan.

    Ayon sa pamilya ng biktimang si Mark Anthony Montalbo y Dionisio, 29, may-asawa at tatlong anak, residente ng Poblacion, Bulac Malhacan, Meycauyan, Bulacan, nasobrahan umano ito sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot na nagresulta sa maagang pagkamatay nito noong Linggo ng hapon.

    Ang itinuturo naman ng pamilya Montalbo na nagpagamit ng iligal na droga sa biktima ay isa umanong nagngangalang Frederick Ignacio alyas Pley, residente ng Barangay Caingin, Meycauyan, Bulacan. Magkabarkada at magkumpare ang dalawa.

    Ayon sa ina nito na si Teodora Montalbo, nagtungo ang kanyang anak sa bahay ni Pley noong Huwebes ng hapon upang makipagkasiyahan.

    Ngunit Biernes ng hapon naman ng tawagan sila ni Pley gamit ang celfone ng biktima at sinabing puntahan ito sa kanyang bahay dahil sa ito ay nagwawala.

    Ayon umano mismo kay Pley, pina-tira umano ang biktima ng isang class A na droga.

    Dahil doon ay sinundo ng pamilya Montalbo si Mark Anthony sa mismong bahay ni Pley at nakitang wala nga ito sa katinuan habang namumula at puro rashes ang mukha.

    Nagwawala ito at nagmumura at sinasabing tumira nga siya ng napakaraming droga.

    Nang sunduin si Mark Anthony ay inuwi ito sa kanilang tahanan at pinaliguan upang mahimasmasan, ayon sa ina nito. Dagdag pa niya na  lagi ng nagwawala at bigla na lamang naninigas ang anak.

    Kung anu-ano na rin aniya ang sinasabi nito nang wala sa katinuan.

    Linggo ng hapon naman nang dumaing umano ito na nagsisikip ang dibdib at hindi makahinga kayat isinugod na nila sa ospital.

    Ngunit makaraan ang ilang oras ay binawian na ito ng buhay.

    Dahil dito, katarungan ang sigaw ng pamilya Montalbo. Nais nilang sampahan ng kaso si Pley upang papanagutin sa sinapit ng anak.

    Hinihintay na lamang ng pamilya ang ilalabas na autopsy report bago pormal na kasuhan si Pley.

    Obserbasyon pa ng pamilya Montalbo sa bangkay ng biktima, nagkakaroon ito ngayon ng patse-patseng puti sa mukha nito na tila epekto ng tinirang droga.

    Si Mark Anthony ay maganda umano ang kalusugan at may matipunong pangangatawan ngunit biglang binawian ng buhay dahil lamang sa droga.

    Ngunit aminado ang pamilya Montalbo na dating nalulong sa droga si Mark Anthony may sampung taon na ang nakakaraan.

    Ngunit muling nakatikim umano ng droga ng imbitahan ng kaibigang si Pley sa tahanan nito noong nakaraang Huwebes.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here