Buhawi nanalasa, 10 bahay nasira

    460
    0
    SHARE
    BUSTOS, Bulacan—Hindi bababa sa 10 bahay ang bahagyang nasira sa pananalasa ng isang buhawi sa Barangay Poblacion ng bayang ito kamakalawa ng hapon.

    Ayon sa mga residente doon, umaabot ng hanggang 24 na bahay ang naapektuhan ng buhawi sa Sitio Riverside, ngunit ayon sa pulisya nasa 10 bahay lamang ang partially damaged.

    Sira ang mga bubong at ilang haligi ng bahay doon dahil sa may dalawang minutong buhawi nana nanalasa bandang alas-3:30 noong Huwebes ng hapon.

    Ayon kay Rosalinda San Pedro, residente, nakita pa ng kanyang anak ang dalawang buhawi na paparating sa kanilang lugar mula sa ilog.

    Hindi naman aniya sila binigyang babala ng kanyang anak dahil sa pangambang sila ay nerbyosin at kasunod nito ay tinangay na ang bubungan ng kanilang bahay.

    Ayon naman kay Ernie Borja, bago dumating ang buhawi ay maghapong mainit ang sikat ng araw sa kanilang lugar.

    At bandang alas3:30 ng hapon nang magsimulang kumulimlim at pumatak ang ulan.

    Matapos niyon ay nasundan na umano ito ng paglitaw ng buhawi.

    Inabutan pa ng Punto ang ilang residente doon na kinukumpuni ang nasirang bahagi ng kanilang kabahayan.

    Pansamantala ding pinutol ng mga residente ang linya ng kuryente sa nasabing lugar matapos ang pananalasa upang maiwasan ang iba pang aberya.

    Samantala, ayon kay Chief Insp. Alfonso Cruz, hepe ng Bustos PNP, hindi buhawi at sa halip ay isang malakas na hangin lamang ang nanalasa sa nasabing lugar.

    Sa kanilang ulat ay halos 10 bahay lamang daw ang nasira at wala namang naiulat na nasaktan.

    Ayon pa kay Cruz, matagal na ring ipinapaalis ng lokal na pamahalaan sa nasabing lugar ang mga residente doon dahil sa lubha itong peligroso lalo na kung panahon na ng tag-ulan.

    Ngunit ayon sa mga nasalantang residente, nais man nilang lisanin ang kanilang lugar sa kabila ng alam nilang ito ay peligroso ay wala naman silang malilipatan na lugar dahil sa kawalan ng pera.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here