Call center agent patay sa motorsiklo

    268
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Patay ang isang call center agent samantalang sugatan ang isang balikbayan matapos salpukin ng mga ito ang isang poste sa kahabaan ng barangay Catmon sa lungsod na ito kamakailan.

    Dead on the spot ang biktimang si Lester Estrella, 26, binata, residente ng barangay Bagna, Malolos, Bulacan ng sumemplang ang kanyang minamanehong motorsiklo na kulay itim na Yamaha MIO soul na may plakang 6051 RG.

    Sugatan namang isinugod sa orthopedic hospital ang angkas nito na isang balikbayan mula sa bansang Dubai na si Abraham Flaviliano, 26, residente ng barangay Mojon sa lungsod ding ito.

    Ayon sa ulat ng pulisya ng Malolos, tinatahak ng dalawang biktima ang kahabaan ng Paseo Del Congreso ng bigla na lamang mawalan ng kontrol si Estrella sa kaniyang motorsiklo.

    Tumilapon mula sa motorsiklo si Flaviliano samantalang si Estrella naman ay nag-slide sa kanyang motorsiklo hanggang makalawang ulit na tumama ang ulo nito sa kulumpon ng mga poste.

    Aminado naman ang ama ni Lester na si Elly Estrella na lasing ang kanyang anak ng maganap ang aksidente.

    Aniya bukod sa impluwensya ng alak ay walang suot na crash helmet ang kanyang anak.

    Ayon pa sa ama ng biktima, nakikipag-inuman ang kanyang anak sa tuwing sasapit ang day-off nito upang makapag-relax umano sa isang linggong trabaho sa isang call center office sa Maynila.

    Matapos umuwi sa kanilang bahay ay dumalo naman ito sa anibersaryo ng kinaanibang fraternity noong linggo ng gabi hanggang sa makayag pa ito na uminom pa sa bahay ng dating kaklaseng si Flaviliano na isa ngang balik-bayan.

    Pasado alas-tres ng madaling araw ng makatanggap si Mang Elly ng tawag sa cellphone na naaksidente nga ang kanyang anak at inabutan pa niyang nakahandusay ito sa kalsada.

    Panay naman ang iyak ng ina ni Lester na si Lana Estrella ng maabutan ang bangkay ng anak na dinala na sa morgue.

    Sa kabila naman ng pighati na namatay ang kanilang kaisa-isang anak ay nagbigay pa rin si Mang Elly ng mensahe sa publiko na huwag magmamaneho ng lasing upang maiwasan ang trahedya tulad ng sinapit ng kanyang anak.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here