Napagkamalang OFW, masaya sa pagkadakip kay Jason Ivler

    399
    0
    SHARE
    CALUMPIT, Bulacan – Masayang masaya ang Bulakenyong si Jason Vivar Aguilar ng bayang ito sa pagkakadakip ng National Bureau of Investigation kay Jason Aguilar Ivler noong Lunes ng umaga.

    Si Aguilar ay ang Bulakenyong overseas Filipino worker sa Qatar na pinauwi ng bansa dahil sa napagkamalang siya si Ivler na isang suspek sa pagpatay kay Renato Ebarle Jr., na isang anak ng mataas na opisyal ng Malakanyang noong Nobyembre.

    Ayon kay Aguilar, para siyang nabunutan ng tinik sa pagkakadakip kay  Ivler dahil sa wala ng inosente pang tao na madadamay katulad ng nangyari sa kaniya na nakulong pa sa Qatar matapos mabiktima ng mistaken identity.

    Ngayon aniya ay magkakaroon na ng hustisya ang nabiktima ni Ivler sa pamamaril at hustisya na rin sa pagkakakulong niya sa Qatar.

    Mensahe ni Aguilar kay Ivler na pagdusahan nito ang kanyang ginawang kasalanan at huwag ng ibang tao pa ang nasasangkot sa krimen.

    Masayang-masaya na umano siya ngayon at makakatulog na siya ng mahimbing.

    Sa una namang napabalita na umano’y pag-ooffer ng ina ni Ivler na sasagutin ang kanyang nagastos sa placement fee ay hinding-hindi umano niya ito matatanggap.

    Sa halip aniyang tulungan siya nito sa pinansyal ay dapat aniyang isinuko na lamang nito ang kanyang anak upang magkaroon ng hustisya ang biktima nito sa pagpatay at pagkakakulong sa kanya.

    At kung nagkamali man aniya ang ina ni Ivler sa pagkubkob sa anak nito ay dapat aniyang magdusa rin ito sa ilalim ng batas.

    Sa kasalukuyan aniya ay unti-unti na siyang nakakabawi sa traumang inabot sa pagkakakulong ng pitong araw sa Qatar.

    Inaasikaso na niya sa ngayon ang kanyang muling pagtatrabaho ngunit dito lamang sa loob ng bansa at ayaw na ayaw na niyang bumalik pa sa abroad.

    May mga pangako din aniya ang POEA na maibabalik din ang kanyang mga ginastos sa pag-aabroad sa Qatar.

    Kung mangyayari ito, malaking bagay aniya sa kaniya sapagkat mababayaran na niya ang mga inutang niya sa paglalakad ng mga papeles. 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here