Negosyante patay sa holdap sa Bulacan

    403
    0
    SHARE
    PLARIDEL, Bulacan – Patay ang isang negosyante matapos harangin at paputukan ng tatlong mga holdaper sa kahabaan ng Mac Arthur Highway sa barangay Tabang, dito alas-dose ng tanghali kamakalawa.

    Kinilala ng National Bureau of Investigation Bulacan Division Office at Plaridel PNP ang biktima na si Crisanto Abrigar, 29 anyos, may-asawa, corn trader, at residente ng Ma. Lourdes Subd. sa naturang lugar.

    Samantalang nasakote naman ng pinagsanib na pwersa ng NBI at PNP ang mga suspek na sina Albert Bartolome, 29 anyos, residente ng Cabusaw, Camarinez Sur at Reynan Jacobe, 25 anyos, residente naman ng North Ville South Boulevard, Navotas City samantalang isa pang kasamahan nito na nakilala lamang sa pangalang Rodrigo ang tinutugis ng mga operatiba matapos itong makatakas.

    Ayon sa mga operatiba, nag-withdraw ng pera na halagang P273,000 si Abrigar sa Metro Bank sa bayan ng Plaridel at pauwi na sa kaniyang tahanan sakay ng kulay asul na Isuzu Crosswind na may plakang BCM-119 ng harangin at paputukan ito ng mga suspek.

    Dead on the spot ang biktima matapos magtamo ng tama ng bala sa kanyang katawan at mabilis na humarurot ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo.

    Ngunit sa pagtakas ng mga suspek ay aksidenteng bumangga ito sa isang truck kaya’t napukaw naman ang atensyon ng mga nagche-check point na mga operatiba sa naturang lugar.

    Agad na nagpulasan ang mga suspek kaya’t agad silang hinabol ng mga operatiba.

    Di nagtagal ay inabutan naman ang mga ito at hindi na nanlaban pa at agad na nadakip.

    Narekober mula sa mga suspek ang pera mula sa biktima, kalibre .38 revolver, kalibre .45 at mga na bala.

    Inamin naman ni Jacobe sa Punto na siya nga ang bumaril sa biktima.

    Aniya, ito na ang ikalawang pagkakataon sa kanilang ilegal na operasyon na pumatay siya ng bibiktimahin sa panghoholdap.

    Ang iba pa aniyang insidente ng panghoholdap ay isinagawa nila sa Bicol at Navotas samantalang ito ang kauna-unahang pagkakataon nila sa Bulacan.

    Ayon naman kay Bartolome, ito lamang ang kauna-unahang pagkakataon na napasama siya sa panghoholdap.

    Siya ang nagmamaneho ng motorsiklo at hindi niya akalaing babarilin ng kanyang kasama ang kanilang bibiktimahin kaya’t sa sobrang nerbiyos ay nabangga sila sa isang truck.

    Pinangakuan lamang umano siya ng grupo na may malaki siyang kikitain na salapi ngunit nagulat siya ng namaril ang kanyang kasamahan.

    Napag-alaman din mula sa mga suspek na ang kanilang modus operandi ay tiktikan ang bibiktimahin mula sa bangko pa lamang at sa pamamagitan ng text messages ay naipapasa ang impormasyon sa mga kasamahan.

    Ang mga suspek ay kasalukuyang nakaditene sa NBI at nahaharap sa kasong robbery with homicide, illegal possession of firearms at paglabag sa gun ban.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here