Firecracker injuries sa Bulacan bumaba

    434
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Bumaba ang bilang ng mga nasaktan sa Bulacan sanhi ng paggamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.

    Ayon sa Provincial Disaster Management Office (PDMO) ng Bulacan, umabot lamang sa 48 katao kabilang ang mga menor de edad ang isinugod sa Bulacan Medical Center (BMC) at anim pang district hospitals sa lalawigan.

    Ang bilang na ito ay higit na mas mababa sa naitalang 65 katao na nasaktan sa pagsalubong sa taong 2009 sa lalawigan.

    Ayon sa PDMO, kabilang sa mga nasaktan ay mga bata, at mga taong nasa hustong edad, ngunit marami sa kanila ay nakainom ng alak nang magpaputok.

    Isa sa mga biktima ay isang bata mula sa bayan ng Hagonoy na naputulan ng apat na daliri nang sumabog sa kanyang kamay ang isang paputok.

    Sa bayan ng Pandi, sinabi ni Dr. Rodante Parulan, ang municipal health officer, na tatlo katao lamang na nasugatan sanhi ng paputok ang isinugod sa kanilang rural health unit.

    Una rito, nagpahiwatig ang mga nagtitinda ng paputok sa bayan ng Bocaue na posibleng bumaba ang bilang ng masasaktan sanhi ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.

    Ito ay dahil sa mababa ang produksyon ng paputok sa lalawigan matapos manalasa ang bagyong Ondoy noong Setyembre at nalubog ang mga tindahan at bodega ng paputok sa Bocaue.

    Ngunit hindi naman kumbinsido sa pananaw na ito ang Philippine Pyrotechnics Manufacturers Dealers Association Inc., (PPMDAI).

    Ayon kay Celso Cruz, dating pangulo ng PPMDAI, nananatili pa rin sa merkado ang mga ilegal na paputok dahil sa kakulangan ng pagpapatupad ng batas ng pulisya.

    Isa sa halimbawa nito ay ang hayagang bentahan ng naglalakihang paputok sa MacArthur Highway sa Bocaue noong bisperas ng Bagong Taon.

    Sa mga lalawigan ng Pampanga at Tarlac, umabot naman sa 55 katao ang nasaktan sanhi ng paputok at isang bahay sa Angeles City ang nasunog.

    Ayon kay Supt. Baltazar Mamaril, tagapagsalita ng pulisya sa Central Luzon, umabot sa 35 katao ang nasaktan sa ibat-ibang bayan at lungsod sa Pampanga sa pagsalubong sa 2010.

    Sa lalawigan ng Tarlac, sinabi niya na umabot naman sa 20 ang nasaktan.

    Isang bahay din ang naitalang nasunog sa Angeles City sa Pampanga, ayon kay Mamaril.

    Samantala, sinabi ni Dr. Rio Magpantay, ang regional health director ng Department of Health (DOH) sa Central Luzon, na naghihintay pa sila ng mga pinal na ulat mula sa mga ospital sa ibat-ibang lalawigan ng rehiyon hinggil sa mga nasaktan sa paggamit ng paputok sa pagsalubong sa 2010.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here