Bulakenyo tutol sa martial law

    468
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Buong pagkakaisang nagpahayag ng paninindigan ang mga mamamahayag sa Bulacan kasama ang mga kasapi ng ibang sektor laban sa pagpapatupad ng batas militar sa Maguindanao.

    Ang pahayag ng paninindigan ay isinagawa sa Heroes Park ng Bulacan State University noong kamakalawa ng gabi, kaugnay ng Red Arm Band protest na pinangunahan ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) Bulacan chapter.

    Bukod sa pahayag ng pagtutol sa martial law, iginiit din ng mga mamamahayag ang pagbibigay ng mabilisang katarungan sa mga biktima ng Maguindanao Massacre, at iba pang paglabag sa karapatang pantao.

    Hinggil sa martial law, sinabi sa pahayag na, “Ito ay aming tinututulan sa paniniwalang hindi solusyon ang pagpapatupad ng batas militar.Ang Proclamation1959 ay dapat bawiin at pawalang bisa agad upang mapawi ang pangamba ng samabayanan.  Batay sa ating karanasan at kasaysayan, hindi katarungan ang hatid nito, sa halip ay paninikil sa karapatang pantao.”

    Para sa katarungan sa mga biktima sa Maguindanao Massacre, iginiit sa inilabas na manipesto ng paninindigan ang, “Paglikha ng isang komisyon na hindi bahagi ng gobyerno upang magsagawa ng imbestigasyon sa maramihang pamamaslang;  Pag-aresto at pag-usig sa lahat ng sangkot lalo na ang mga pumatay at ang mga taong nagkakanlong at protektor nila;  Pagbuo ng isang espesyal na korte na uusig sa kaso; Pagbibigay ng garantiya para sa kaligtasan ng mga saksi;  Pagbawi sa mga armas at buwagin ang lahat ng pribadong sandatahang grupo, partikular na iyong mga sangkot at ginamit sa masaker;  Pumili ng mga taong walang dungis ang kakayahan sa buong proseso;  At higit sa lahat, kung hindi maibibigay ang mga nabanggit na kahilingan, dapat magbibitiw sa tungkulin ng mga namumuno sa gobyerno—ang mga namumunong humikayat at nagbigay daan, sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan at pagkakahat-hati, sa culture of impunity, kung saan ang Maguindanao Massacre ang kasumpa-sumpang halimbawa.”

    Sa unang bahagi ng nasabing manipesto, nilinaw ang mga mamamahayag ang basehan ng kanilang posisyon.

    “Ako ay Pilipino. Tagapagmana ng makulay na kasaysayan ng lahing kayumanggi; may pananampalataya at takot sa Diyos; naniniwala sa batas, katarungan at pagkakapantay-pantay ng tao; may sariling dangal, at umaasa sa kapayapaan.”

    “Ako ay Bulakenyo. Inapo ng liping nagsilang sa mga alagad ng sining, panulat at bayani ng bayan. Ang aking mga ninuno’y kabilang sa mga maginoo ng kasaysayan na nag-alay hindi lamang ng dugo, buhay at pawis para sa kalayaan ng bayan, sa halip ay malawak na pananaw na nagpayaman sa kalinangan ng lahi.”

    “Ako ay mamamahayag ng bayan. Kakampi ng katotohanan at naninindigan sa katarungan katulad ni Gat Marcelo H. Del Pilar na isang kalalawigan at itinuturing na ama ng peryodismong Pilipino. Sandata ko’y pluma, kamera, katapatan at patas na pamamahayag.”

    Ang nasabing manipesto ay sabayang binigkas ng mga dumalo sa Red Arm Band protest matapos ang maikling panalangin na pinangunahan nina Pastor Glen Mendiola ng United Methodist Church at ni Fr. Rolly De Leon ng Diyosesis ng Malolos.

    Kasunod nito ay ang pagsisindi ng mga kandila bilang alay sa kapayapaan at katarungan, na sinundan ng isa-isang pahayag mula sa mga dumalong kinatawan ng ibat-ibang sektor.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here