‘Imposibleng mag-bise presidente si PGMA’

    351
    0
    SHARE
    ANGELES CITY – Imposibleng kumandidato bilang bise presidente si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para sa parating na 2010 elections.

    Ito ang naging pahayag ni Congressman Carmelo Lazatin ng unang distrito ng Pampanga kaugnay sa napabalitang pagtakbo umano ni Pres. Arroyo bilang bise presidente ni Defense Secretary Gilbert Teodoro.

    Ani Lazatin, hinding-hindi magbibise presidente si Pres. Arroyo na aniya’y kung hahabol man ito sa 2010 elections ay bilang kongresista ng 2nd District ng Pampanga.

    Sinabi niya sa Punto Central Luzon na mas nais niyang makita si Pres. Arroyo bilang Speaker of the House kaysa mag-bise presidente.

    Kung mananalong kongresista si Pres. Arroyo ay iboboto ni Lazatin ito bilang House Speaker dahil sa marami daw itong magagawa.

    Isa pa umanong malaking maitutulong ni Pres. Arroyo sa kongreso ay ang pagsusulong ng budget na tiyak aniyang makikinabang ng malaki ang bayan.

    Ayon pa kay Lazatin, butado pa ang posisyon ng partido sa kandidato bilang pagka-bise presidente.

    Pwede aniyang piliin si Sen. Bong Revilla dahil qualified naman ito, at gayun din si Vice President Noli De Castro bagamat hindi pa nila ito kapartido.

    Marami pa aniyang pwedeng pagpilian sa pagka-bise presidente gayong marami na rin sa mga presidentiables ang umatras na sa pagkandidato na maari din isama sa mga pagpipilian.
    Kung si Lazatin din ang tatanungin ay hindi ito pabor sa merger o ang pinagsanib na partidong Lakas at Kampi.

    Bagamat nagsanib aniya ang dalawang partido sa nasyunal ay lumikha naman ito ng sigalot sa local candidates na kung hindi aniya maisasaayos ay posibleng talikuran din ng mga ito ang partido.

    Ayon pa kay Lazatin, pananaw ng partido na sigurado at walang magiging aberya sa ikinasang automated elections gaya ng ipinapahayag ni Sen. Chiz Escudero.

    Sigurado aniyang matutuloy ang automated elections at kung magkaproblema man sa mga makina ay mabibilang pa rin ang mga boto dahil sa ang automation ay sa bilangan lamang gagamitin.

    Kung magka-problema man aniya ang mga counting machines ay maari namang bilanging mano-mano ang boto ng mga tao.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here