LUBAO, Pampanga – Sa gitna ng malakas na buhos ng ulan ngayong Agosto 28, sinadya ni Gov. Lilia “Nanay” Pineda ang Sto. Cristo Dam dito upang inspeksyunin ang nasirang bahagi nito at tiyakin ang kaligtasan ng mga residenteng posibleng maapektuhan. Makikita ang Dam sa pagitan ng Barangay Sto. Cristo at Barangay Sta. Rita.
Ayon sa National Irrigation Administration, hindi kinaya ng dam ang malaking volume ng tubig na bumaba mula sa upstream. Dahil dito, nagkaroon ng overshooting at pagbago ng daloy ng tubig, na naging sanhi ng pagkasira ng bahagi ng slope protection at retaining wall ng dam.



Sa isinagawang inspeksyon, nakita rin ang mga forest at agricultural debris na naipon at bumara sa ilang openings ng dike, na posibleng nakaapekto sa normal na daloy ng tubig.
Bilang agarang hakbang, nagsagawa na ang pamahalaang bayan ng Lubao, katuwang ang Kapitolyo, ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Army, at Philippine Coast Guard, ng forced evacuation sa mga residenteng nasa delikadong lugar. Ang mga apektadong pamilya ay ligtas na dinala sa mga evacuation center.
Kaagad ding nagpaabot ng augmentation sina Gov. Pineda, Vice Gov. Dennis “Delta” Pineda, at Mayor Esmie Pineda ng mga kinakailangang kagamitan, pagkain at iba pang tulong para sa mga evacuees.



Nagpadala na rin ng provincial risk reduction and management council long-arm excavator para makatulong sa clearing operation ng mga nabarang debris.
Sa paunang ulat, apat na bahay ang nasira dahil sa insidente.
Patuloy ang mahigpit na monitoring ng mga awtoridad sa lugar. Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso at evacuation orders ng lokal na pamahalaan. Pampanga PIO/Photos: Luisse Rutao



