1 patay sa raid sa bahay ng ABC president sa Bulacan

    417
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang katiwala sa bayan ng San Miguel matapos mabaril sa isang raid na isinagawa sa bahay ng pangulo ng samahan ng mga kapitan sa nasabing bayan kahapon ng madaling araw.

    Ang biktima ay nakilalang si Ronald Dela Cruz, katiwala sa bahay ni Gener Lopez, ang kapitan ng Barangay Labne at pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC) sa nasabing bayan.

    Ayon sa pulisya, nabaril at napatay si Dela Cruz ng makipagpalitan ng putok sa mga pulis na nagsagawa ng raid bandang alas-3 ng madaling araw kahapon.

    Si Dela Cruz ay nabaril sa mukha at namatay habang isinusugod sa isang pagamutan sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija.

    “May bahid ng pulitika ito,” ani Lopez at iginiit na limang bahay pa ang pinasok ng mga pulis sa bisa ng search warrant na diumano’y ipinalabas ni Judge Ramon Pamolar ng Regional Trial Court (RTC) Branch 32 na nakabase sa Guimba, Nueva Ecija.

    Ayon sa pulisya, ang hinahanap nila ay matataas na kalibre ng baril na diumano’y nasa pag-iingat ni Lopez.

    Subalit isang kalibre 22 na rebolber at isang M-16 rifle ang kanilang nabawi. Ang kalibre 22 na rebolber na nakuha sa pag-iingat ni Felipe Capinlac, ang hepe ng  Barangay Tanod ng Barangay Labne, samantalang ang M-16 rifle ay nakuha kay Dela Cruz.

    Inamin naman ni Lopez na sa kanya ang kalibre 22 at sinabing isinuko nila iyon sa mga pulis na nagsagawa ng raid.

    Inayunan naman ng ilang residente ng nasabing bayan na may bahid pulitika ang raid sa bahay ni Lopez, dahil isang anak ng mataas na opisyal ng pulisya sa Central Luzon ang nagpaplanong kumandidatong alkalde sa nasabing bayan.

    Sinabi nila na ang raid ay maaring isang paraan upang makuha ang suporta ni Lopez na popular sa mga kapwa kapitan ng barangay sa nasabing bayan.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here