Sa pagbibyahe ng mga marmol dito noong araw ng Linggo ay hinarang at kinumpiska ito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Ibinaba ng Rosemoor Mining Corporation ang dalawang truck na may kargamentong dalawang bloke ng marmol na tinatayang may timbang na 15 tonelada bawat isa ngunit hinarang ito ng 306th Police Mobile Group sa Barangay Akle sa bayang ito.
Dahil dito ay nagkainitan sa pagitan ng Rosemoor at ng kapulisan. Ayon sa Rosemoor, hindi sila dapat harangin dahil sa kumpleto sila ng dokumento ngunit ayon sa kapulisan hindi nila papayagang maibyahe iyon pa-Maynila.
Ayon kay Zeny Pascual, presidente ng Rosemoor, harassment ang ginagawa sa kanila ng kapulisan at ng kapitolyo dahil sa kumpleto ang kanilang dokumento sa pagmimina at pagbibyahe ng marmol.
Ipinakita nito ang ore transport permit (OTP) na ibinigay sa kanila ng Mines and GeoSciences Bureau mula sa Gitnang Luzon na may petsang mula Sept. 18 hanggang Oct. 18, 2009 ngunit kinumpiska pa rin ang kanilang kargamento.
Ayon naman kay Engineer Ricardo Medina, tagapangulo ng Environment and Natural Resources Office o ENRO, ilegal ang pagbibyahe ng naturang marmol.
Hindi aniya ito kumpleto ng dokumento tulad ng Mineral Production Sharing Agreement o MPSA na magmumula sa Department of Environment and Natural Resources.
Bukod pa dito aniya ay walang endorsement ang Rosemoor mula sa Sangguniang Bayan ng Donya Remedios Trinidad.
Ngunit sa konprontasyon ay iginiit ng Rosemoor na kumpleto ang kanilang dokumento at sila ay sa national government kumukuha ng mga permiso bilang isang large scale mining at ang mga small scale mining lamang umano ang hawak ng lokal na pamahalaan.
Ani Pascual, hindi sila mag-ooperate kung ilegal ang kanilang MPSA at hindi rin sila mabibigyan ng ore transport permit ng DENR kung kulang sila sa mga requirements.
Ipinaliwanag niya na ang kanilang MPSA ay inilabas ng DENR noon pang 2002 at valid ng hanggang 25 taon upang minahin ang exotic at expensive na tea rose marble mula sa mineral reservation area ng Biak-na-Bato sa Barangay Kalawakan, DRT.
Ngunit ayon sa kapitolyo ng Bulacan, ang pagharang sa naturang mga marmol ay pagpapatupad lamang sa batas at pagbibigay diin na ilegal ang operasyon ng Rosemoor.
Sa kasalukuyan ang kumpiskadong mga bloke ng marmol ay inihimpil sa tanggapan ng 306th PMG sa bayan ng San Rafael, Bulacan.
Ang tea rose marble ang sinasabing pinakamahal at nag-iisang klase ng marmol sa bansa na ini-export sa ibang bansa partikular sa China mula pa noong taong dekada 90.