NATUTUNAN SA MGA KASTILA
    Higanteng ensaymada, inipit gagawin ng Bulacan

    506
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY —Handa na ang Bulacan sa paggawa ng higanteng ensaymada at inipit, isang taon matapos gumawa ng pinakamahabang pastillas.

    Gayunpaman, wala pang plano kung isasali ang gagawing higanteng ensaymada at inipit sa Guinness Book of World Records dahil hindi nakapasok ang pinakamahabang pastillas sa listahan noong nakaraang taon.

    Ang paggawa ng higanteng ensaymada at inipit ay kinumpirma ni Jovito Saguinsin, hepe ng Provincial Cooperative and Economic Development Office (PCEDO) na nagsabing pinaghahandaan na nila ito.

    Ang higanteng ensaymada ay may sukat na 40 talampakan, samantalang ang higanteng inipit ay may sukat na 30 talampakang haba at 15 talampakan ang taas.

    Ang mga ito ay ihaharap sa publiko sa Setyembre 9 at 11 ayon sa pagkakasunod.  Ito ay magiging bahagi ng pagdiriwang ng isang linggong Singkaban Fiesta na sisimulan sa Setyembre 8 hanggang 15.

    Ayon kay May Cruz ng PCEDO, ang higanteng ensaymada ay may pabilog na hugis samantalang ang higanteng inipit ay magiging kahugis ng makasaysayang simbahan ng Barasaoain.

    Hindi pa tiyak kung magkano ang gagastusin sa paglikha ng dalawang higanteng bakery products, maging kung gaano karaming sangkap ang magagamit sa mga ito.

    Subalit sinabi ni Nelia Boado ng Barasoain Bakeshop na anim pang bakery ang makakatulong nila sa paggawa ng higanteng ensaymada, samantalang lima ang makakatulong nila sa paggawa ng higanteng inipit.

    Ang 51-taong Barasoain Bakeshop ay ang pangunahing bakeshop sa Bulacan na regular na gumagawa ng dalawang nabanggit na produkto.

    Sinabi ni Boado na ang paggawa ng ensaymada at inipit ay natutunan ng kanilang mga ninuno mula sa mga Kastila.

    Ang ensaymada at inipit ay dalawa sa mga unang produktong ginagawa sa Bulacan sa nagdaang mahigit 100 taon na pinagalooban ng pamahalaang panglalawigan ng pagkilala bilang Tatak Bulakenyo products.  

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here